KAUNTING ulan lang, baha na sa maraming lugar sa Metro Manila. Walang pagbabago. Noon ay problema ang baha at hanggang ngayon, ito pa rin ang problema. Paano pa kung rumatsada na ang mga bagyo?
Ang mga baradong drainage at estero ang dahilan kaya nagbabaha. Walang ibang madaluyan ang tubig kaya sa kalsada ang tuloy. Isa sa mga ginagawang paraan ngayon ay tinataasan ang mga kalsada gaya ng ginagawa sa Espana St. tapat ng UST. Pero paglampas ng Espana, tiyak baha rin ang kalaban. Ang pagpapataas sa kalsada ay hindi rin solusyon sa baha. Mas mainam kung ang regular na paglilinis sa mga estero ang bibigyang-pansin. Maraming basura ang dapat alisin sapagkat na-kabara sa daanan ng tubig.
Sabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA), para mabawasan ang mga nakatambak o nakabarang basura sa mga daluyan ng tubig, ipatutupad nila ang paghihigpit sa pagtatapon ng basura. Isang kampanya ang kanilang ipatutupad at dapat daw makiisa rito ang mamamayan. Bawal pagtatapon ng basura sa kalsada at ang mahuhuli ay parurusahan.
Ang kampanyang ito ay noon pa. Maski sa panahon ni President Marcos ay may batas na huwag magtatapon ng basura sa kung saan-saan lang. Pero maski ang diktador na si Marcos ay hindi rin gaanong naimulat ang mamamayan para ganap na maging malinis ang kapaligiran. Nag-ningas-kugon din sa panahon ni Marcos kaya ang mga basura ay umapaw sa mga estero.
Ngayon ay may panibago na namang kampanya ang MMDA sa mga magkakalat o magtatapon ng basura. Hindi kaya isang kampanyang ningas-kugon na naman ito? Hindi kaya sa simula lang maganda ang kanilang kampanya at makalipas lamang ang isang linggo ay balik na naman sa dati.
Kung mapagtatagumpayan nila ang kampanya at ganap na masusuweto ang mga sutil at walang disiplinang nagtatapon ng basura, aba, malaking karangalan ito. Tatalunin ni MMDA Chairman Oscar Inocentes si Bayani Fernando kapag nagawa niya ang pangako. Hindi sana ningas-kugon.