Pagmamahal ng isang ina
IBA talaga ang pagmamahal ng isang ina. Ito ang kuwento ni Carmencita de Castro, ang ina nina Albert Gutierrez at Arnel Real, na pinatay umano ni Jose Ma. “Bong” Panlilio. Naganap ang krimen noong 2003. At magmula noon, nagtago na si Panlilio para makaiwas sa batas. Halos pitong taong nagdusa si De Castro. Pero hindi siya tumigil ng kakahanap sa pumatay sa kanyang dalawang anak. Naglabas ng pabuya, para may ma-enganyong tumulong sa kanya. Natural maraming tumawag sa kanya na ang habol lang ay ang pera. Mga walang modong pinagsamantalahan lamang ang kanyang pighati. Ang maganda naman ay hindi siya nag-isa sa kanyang krusada.
Lumaki ang pabuya sa tulong ng mga kamag-anak, NBI at pulis. Lumipas ang mga taon na walang konkretong inpormasyon sa kinaroroonan ng kanyang hinahanap. Tandaan na si Panlilio ay anak ng isang kilalang alahera sa Pilipinas, kaya hindi malayong isipin na tumutulong sila para itago si Panlilio. Hindi rin ako makapaniwalang pagnanakaw ang motibo ng kanyang pagpatay sa dalawang magkapatid! Pero dahil sa kanyang tiyaga, tiyaga na makikita mo lang mula sa isang ina na mahal ang kanyang mga anak, pinagpala siya at nahuli na ang naging numero unong wanted na krininal sa buong Pilipinas. Salamat naman at sinagot na ang kanyang mga dalangin.
Bukod sa walang humpay na paghahanap ni De Castro kay Panlilio, malaking bagay rin ang ko-operasyon ng iba’t ibang international na ahensiya sa paghahanap ng mga kriminal ng mundo. Mga ahensiya katulad ng Interpol na nakikipagpalitan ng inpormasyon sa lahat ng humiling ng kanilang tulong. Lalo na para sa mga kriminal na lumikas na ng bansa at nagtago sa iba. May mga kasunduan tayo sa maraming bansa ukol sa pagbabalik ng mga kriminal para humarap sa hustisya at parusa.
Sana isa pang ina ang pagpalain din, ito naman ay sa paghahanap sa kanyang anak. Si Edith Burgos. Walang naitulong ang administrasyong Arroyo sa paghahanap sa kanyang anak na si Jonas, na dinakip umano ng limang tao, isa nagpakilalang pulis. Sana matapos na rin ang kalbaryo niya na naganap sa ilalim ng pamumuno ng isang Gloria Macapagal Arroyo. Sana mahanap na siya sa ilalim ng bagong administrasyon.
- Latest
- Trending