Araw ng Kalayaan
AKO at ang aking panganay na anak na si re-elected senator Jinggoy Ejercito Estrada ay naniniwalang makabuluhan ng pagdiriwang ngayon ng ika-112 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Kasabay kasi ng nakatakdang pagpasok ng bagong administrasyong Aquino ay lalong tumitindi ang pakikidigma natin sa kahirapan, kagutuman, inhustisya at iba pang mga problemang pamana sa atin ng papaalis na administrasyong Arroyo.
Ayon kay Jinggoy, ang matatag at determinadong paglaban sa mga problemang ito na labis na nagpapahirap sa taumbayan ang magbibigay ng tunay na kahulugan ng kalayaan. Ang ating mga bayani ay matapang na nanindigan laban sa mga dayuhang mananakop na nagkadena sa ating kalayaan. Sa kasalukuyang panahon, nakakadena pa rin ang sambayanang Pilipino sa matinding paghihirap, kakulangan ng serbisyo publiko, kasalatan sa hustisyang panlipunan at pagkatakot dahil sa karahasan at krimen.
Sa amin sa San Juan, makikita ang makasaysayang Pinaglabanan Shrine kung saan naganap ang unang pag-atake ng mga rebolusyonaryong Pilipino sa mga Kastila noong Agosto 1896. Sa kabila ng kakulangan sa armas at karanasan sa pakikidigma, mahigit 400 katipunero, sa pamumuno ni Gat Andres Bonifacio, ang lumusob sa imbakan ng mga baril at bala.
Ang naturang pangyayari ang nagsilbing inspirasyon sa mga rebolusyonaryong Pilipino para ipagpatuloy ang paglaban para sa kalayaan. Sumiklab ang pag-aalsa ng sambayanang Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa. Ngayon, ang rebolusyon ay hindi na nakadirekta sa mga dayuhang mananakop bagkus sa mga problemang pakana at pinalaganap mismo ng ating pamahalaan. Panahon na para labanan ang mga problemang ito. Sa pamamagi-tan ng ating pinagsanib na lakas, magtatagumpay tayo at makalalaya sa pang-aapi, pagmamaltrato at kawalan ng pag-asa.
Ipagbunyi natin ang ika-112 anibersaryo ng Kalaya-an ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
- Latest
- Trending