EDITORYAL - Palayain sa mga kurakot
IPINAGDIRIWANG ngayon ang ika-112 anibersaryo ng kalayaan mula sa mga Kastila. Walongdaang taon na sinakop ng mga Kastila ang bansa at noong 1898 lamang ganap na nakalaya. Maraming dugo ang tumulo sa mga bayaning sina Andres Bonifacio, Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, Gen. Antonio Luna, mga pari na si Gomez, Burgos at Zamora at marami pang iba.
Nakalaya rin ang mga Pilipino sa Amerikano at Hapones. Kahit matagal ang pakikipaglaban sa mga mananakop, nagkaroon naman ng magandang bunga ang pakikihamok sapagkat kahit paano nakapagtayo ng sariling republika. Sa tapang at tatag ng mga ba-yani, nakalaya sa kuko ng dayuhan.
Subalit sa kasalukuyang panahon, isang kakaibang uri ng mananakop ang patuloy na sumasakmal sa mga Pilipino. Mas mabagsik pa sa mga dayuhang nilabanan ng mga bayani noon. Matindi ang kapit at ayaw bumitaw. Sila ay walang iba kundi ang mga kurakot na nagpapahirap sa mamamayan at nagtataboy naman sa mga dayuhang investors palabas ng bansa.
Batbat ng corruption ang mga tanggapan ng pamahalaan at hindi gagalaw ang mga papeles o dokumento hangga’t hindi nagpapadulas ng pera. Laganap ang corruption na maihahalintulad na sa cancer na nakakapit na sa buto. Sa survey na ginawa ng mga grupo ng businessman sa kalagayan ng corruption sa mga bansa sa Asia, pumapangatlo ang Pilipinas sa talamak na corruption. Maraming investors ang nagreklamo noon kay President Arroyo sa talamak na red tape sa mga tanggapan. Nagbanta sila na ipu-pullout ang kanilang negosyo kapag hindi inaksiyunan ang kanilang kahilingan na putulin ang redtape. Kumilos naman si Mrs. Arroyo pero hindi ganap. Marami pa ring kurakot at hindi natakot. Ang pamahalaang Arroyo ay nayanig sa kabi-kabilang kontrobersiya ng kurakutan — NBN-ZTE, fertilizer scam, magarbong Macapagal Highway at iba pa.
Ngayong mauupo na si President-elect Benigno Aquino III, inaasahan na magkakaroon ng pagbabago. Na tutuparin ang pagdurog sa mga corrupt. Na siya ang magpapalaya sa mga Pinoy sa kuko ng mga kurakot. Ngayon na ang tamang panahon para mawakasan ang pagsasamantala.
- Latest
- Trending