Kalaboso ang recruiter
KASO ito ni Marina. Mula Pebrero 1993 hanggang Hulyo 1994, pinapaniwala ni Marina sina Doming, Cito, Vic at Arnie na kaya niyang ipadala sa South Korea ang mga ito para magtrabaho bilang factory worker. Humingi siya ng pera para sa placement/processing fee. Binigyan siya ni Doming ng P30,000, nagbigay naman ng P40,000 si Cito, P39,000 kay Vic at P29,000 ang kay Arnie. Matapos tanggapin ang pera, hindi niya naipadala sa Korea ang mga ito.
Nabisto rin ng apat na wala naman pala siyang lisensiya para magpadala ng trabahador sa ibang bansa. Noong Hunyo 21, 1995, kinasuhan si Marina at dalawang anak niya ng illegal recruitment on large scale. Sa paglilitis, tumestigo ang apat at inulit-ulit kung ano ang ginawa sa kanila ni Marina. Napaniwala raw sila ng babae na kaya silang ipadala sa ibang bansa. Tumanggap daw si Marina ng pera mula sa kanila at nagbigay pa ng resibo para sa perang tinanggap. Iyon pala ay wala naman itong lisensiya o kahit anong papeles na pinanghahawakan.
Base sa pahayag ng mga testigo at mga dokumentong ginamit na ebidensiya, nahatulan ng Korte na mabilanggo si Marina. Pareho rin ang naging hatol ng Court of Appeals. Kinuwestiyon ni Marina ang naging desisyon sa kanya. Ayon sa kanya, hindi siya dapat parusahan dahil tinulungan lang niya ang apat sa aplikasyon nila sa isang recruitment agency, ang JH Imperial Organization Placement Corp. na nakinabang sa tinanggap niyang pera. Tama ba si Marina?
MALI. Ang pinarurusahan sa batas (Art. 13 [b] Labor Code) ay ang pangngalap, pagbibiyahe, paggamit o pagkuha ng tao na magtatrabaho sa loob o labas ng bansa, may kita man o wala basta’t walang kaukulang lisen-siya o papeles ang taong gumagawa nito. Kasama sa pinarurusahan ng batas ang pangangako, pangongontrata at ang mismong referral dito sa JH Imperial Organization Placement Corp ng tao sa agency. Kahit pa sabihin na referral lang ang ginawa ni Marina para tulungan ang apat na makapasok, malinaw na sakop pa rin ito sa pinarurusa-han ng batas. Ang simpleng panghihimok sa kanila na magtrabaho sa ibang bansa ay sakop na rin ng salitang referral basta napatunayan na ipinapasa nila ang taong magtatrabaho sa kunwari ay magiging amo o opisinang papasukan.
Sa kasong ito, malaking bagay na walang hawak na lisensiya o awtorisasyon si Marina upang kumuha ng tao. Malinaw na illegal recruitment ang kanyang ginagawa. Kahit sabihin pa na may lisensiya ang JH Imperial na magpadala ng tao upang magtrabaho sa ibang bansa, wala naman siyang naipakitang ebidensiya na pinagkatiwalaan siya ng kompanya upang kumuha ng tao.
Ang tatlong element ng kasong illegal recruitment ay ang sumusunod: 1) Walang lisensiya/awtorisasyon ang akusado upang mag-recruit ng taong magtatrabaho sa ibang bansa; 2) Ginawa ng akusado ang anumang aktibidades na nakasaad sa Art. 13 (b) ng Labor Code at ang anumang ipinagbaba-wal alinsunod sa Art. 34 ng parehong batas; 3) Ginawa niya ito laban sa tatlo o higit pang biktima, indibidwal man o bilang isang grupo.
Lahat ng nasabing elemento ay narito sa kaso kaya tama lamang ang naging hatol ng korte at ng CA kay Marina.
(People vs. Martinez, G.R. No. 158627, March 5, 2010)
- Latest
- Trending