ANG aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay nagmo-monitor sa mainit na usapin ngayon sa Israel kung saan ay ipadedeport umano sa mga susunod na araw ang mahigit 1,200 illegal foreigners kasama ang kanilang mga anak.
Ang naturang crackdown ay bahagi ng hakbanging ipinatutupad ng Israeli Interior Ministry mula noong 2009 laban sa mga dayuhang naninirahan sa Israel partikular yung mga nagka-anak doon. Kabilang umano sa ipinade-deport ay ang mga refugee at asylum seeker na nasa depressed areas sa mga bayan ng Hadera at Gedera.
Noong 2006 ay nagdesisyon ang pamahalaan ng Israel na pahintulutang makapanirahan doon bilang legal immigrants ang mahigit 400 anak ng mga foreign worker. Ito umano ay simbolo ng pagkilala at pasasalamat nila sa malaking kontribusyon ng mga dayuhang manggagawa sa kanilang ekonomiya. Pero noong Hulyo 2009, ipinatigil ang hakbang. Banta raw ito sa Israel Jewish heritage at magiging dahilan ng problema sa lipunan sa hinaharap. Ang panibagong crackdown ay paiigtingin ngayong Hunyo.
Ang pangyayari ay kinondena ng civil and human rights groups sa iba’t ibang bansa. Paglabag umano ito sa karapatang pantao ng mga dayuhang manggagawa at kanilang mga anak. Base pa sa impormasyon, kapag nagtuluy-tuloy ang kautusan ng Israeli government, mahigit 2,000 OFWs ang posibleng maapektuhan at mapadeport.
Ayon kay Jinggoy, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ang pangyayaring ito ay dapat bigyan ng sapat na atensyon ng pamahalaan. Pinag-aaralan na umano ito ni Jinggoy upang makagawa agad ng kaukulang legislative action.