Masyado pang maaga para magkaso
KASO ito ng isang kompanya ng mga damit, ang GG. Inalok ng GG na bibilhin nito ang penthouse unit at 16 na parking slots sa isang office condominium project ng kompanyang WCP Inc., tinatawag ang proyekto na Antel Global Corporate Center. Dahil ginagawa pa lang at nasa pre-selling stage pa, nakakuha ng diskwento ang GG. Pinababayaran lang ang unit ng P89.6 milyones. Nagbayad ang GG ng reservation fee na P500,000 at pagkatapos ay pumirma ang bawat partido sa Reservation Agreement noong Mayo 15, 1996. Nakasaad sa kasunduan ang mga petsa kung kailan magbabayad ng installment ang GG. Magbibigay din ang kompanya ng mga “post-dated” na tseke para sa kanilang hulog sa WCP. Ayon sa kasunduan, ang contract to sell ay pipirmahan matapos mabayaran ang 30% ng kabuuang halaga ng penthouse. Ayon din sa kasunduan, kapag hindi nakabayad sa takdang araw ang GG, magkakaroon ng karapatan ang WCP na maningil ng 3% interes kada buwan hanggang mabayaran ang kulang o kaya naman ay kanselahin na lamang ang kontrata at ilitin o kunin ang nabigay na reservation fee at iba pang bayad. Nang nagpirmahan ang dalawang kompanya ay walang “license to sell” ang WCP at nagkaroon lang ng lisensiya noong Agosto 1996 samantalang ang proyekto naman ay nakatakdang matapos ng Agosto 1998.
Mula Mayo hanggang Disyembre 1996 ay laging nagbabayad sa takdang araw ang GG. Ang nabayaran ng kompanya ay katumbas na sa 21% ng kabuuang halaga ng penthouse unit. Kaya lang, noong Enero 30, 1997, hiniling ng GG na ibalik sa kompanya ang mga tsekeng ibinayad. Papalitan lang daw ang mga ito ng bagong mga tseke mula sa ibang bangko. Pumayag ang WCP ngunit ang gusto nitong mangyari ay gumawa ng panibagong kasunduan para maisaad ang tungkol sa mga bagong tseke pero pareho pa rin ang mga kondisyones. Hindi naman umangal ang GG ngunit hinihingi nito sa WCP na ipagpaliban muna ng 90 araw ang pagdedeposito sa mga tsekeng ipinalit. Hindi pumayag ang WCP at imbes ay siningil pa nito ang GG para sa hulog ng Enero kung hindi ito magbabayad ay maniningil pa ng interes o penalty ang kompanya.
Noong Marso 5, 1997, napilitan ang GG na ipadala ang mga kapalit na tseke at bayaran ang hulog para sa Enero 1997. Gumawa naman ng pangalawang kasundu-an ang WCP pati na rin ang pansamantalang contract to sell kung saan nakasaad na matatapos ang proyekto at ililipat sa GG ng bago matapos o mismong DIsyembre 15, 1998. Hindi ito pinirmahan ng GG at imbes ay nagpadala ng sulat sa WCP, nakiusap ang kompanya na ang tseke na may petsang Abril 24, 1997 ay ideposito na lamang sa Mayo 15, 1997 dahil nagkakaroon na ito ng problemang pinansyal. Muli ay hindi pumayag ang WCP sa gustong mangyari ng GG. Nagpadala ulit ng sulat ang GG sa WCP. Ayon sa sulat, kulang ang kasunduan dahil hindi malinaw na nakalagay doon kung kailan talaga matatapos ang unit. Ayon naman sa WCP, malinaw sa kasunduan na tatapusin ang unit hanggang Disyembre 15, 1998 kaya dapat lamang na magbayad na ito sa kulang.
Noong Hunyo 10, 1997, pormal na nagsampa ng reklamo ang GG sa HLURB upang mabawi ang mga ibinayad nito sa WCP. Ayon sa kompanya, hindi ito kontento sa nakasaad sa kontrata kung kailan matatapos ang unit.
Sagot naman ng WCP, hindi sapat na basehan ang nirereklamong petsa ng GG upang mabawi ang mga ibinayad nito. Maaari lamang bawiin ng bumibili ang mga hinulog nito sa unit kung sakali at hindi matapos ng developer/may-ari ang proyekto sa loob ng tinakdang palugit alinsunod sa batas (P.D. 957). Hindi pa naman daw dumadating ang palugit na ito. Tama ba ang WCP?
TAMA. Magkakaroon lang ng karapatang magkaso ang bumibili laban sa developer kung hindi matatapos ang proyekto sa loob ng tinakdang panahon na nakasaad sa contract to sell o sa lisensiya ng developer. Sa batas (Art. 1191 Civil Code), maaari lang bawiin o talikuran ng isa ang kanyang obligasyon kung hindi makakatupad ang kabila. Sa kasong ito, walang karapatan ang GG na tumalikod sa kontrata. Ayon sa kanilang kasunduan, tatapusin ng WCP ang proyekto at ililipat ang mga unit na binibili ng GG bago ito matapos.
Kapansin-pansin na nagsampa ng reklamo ang GG noong Hunyo 10, 1997, samantalang ang napagkasunduan na pagtatapos ng proyekto ay sa Disyembre 15, 1998 pa lamang o kahit pa sa Agosto 1998 na siyang nakasaad sa lisensiya ng WCP na petsa ng pagtatapos ng proyekto. Pareho pang malayo ang petsang nabanggit. Samakatuwid, hindi pa lumalabag sa obligasyon nito ang WCP nang sampahan ng kaso ng GG. Masyado pang maaga para hingin na kanselahin ang kontrata kahit pa sa ilalim ng PD 957 dahil nang magsampa ng kaso ang GG, kasalukuyan pa lang itinatayo ang Antel Global Corporate Center at hindi pa dumadating ang mga petsang nakasaad bilang completion date. Nararapat lamang na ibasura ang kaso ng GG. (G.G. Sportswear Mfg. Corp. vs. World Class Properties Inc., G.R. 182720, March 2, 2010).
- Latest
- Trending