Salamat, Ama
SEVEN THIRTY ng umaga, ako at ang aking ama nakasakay sa isang bus na bumibiyahe sa EDSA. Bitbit ng aking ama ang mga gamit na aming kailangan mamaya sa trabaho. Isinama ako ng aking ama upang tulungan siya sa pagbaba ng makina ng sasakyan. Hindi madaling magkalas at magbaba ng makina ng kotse dahil bukod sa mabigat ay delikado pa ito.
Nang magsimula kaming magtrabaho ay nahirapan ako dahil sa hirap at nangangailangan talaga ng pasensiya at tiyaga ang pagkalas sa bawat turnilyo, andyan yung kailangan ilusot mo ang iyong kamay hawak ang tools sa masikip na espasyo kung saan mahihirapan kang pumihit. Halos maasar ako subalit ng aking masdan ang aking ama ay nakita ko siya na seryoso at walang reklamo sa pagtatrabaho kaya naman nakaramdam ako ng pagkahiya sa inaasal ko. Ito ang trabahong araw-araw niyang kinakaharap gamit ang dalawa niyang kamay na punumpuno ng kalyo at ilang peklat.
Naramdaman ko ang lungkot dahil sa hirap ng kanyang ginagawa upang patuloy na magampanan ang pagiging isang responsableng ama at asawa. Nang kami ay magpahinga ay may nakita kaming isang bago at magandang sasakyan, habang nakatingin ay pumasok sa isip ko na napakarami ng sasakyan ang nakumpuni ng aking ama sa loob ng mahigit tatlumpung taon niya dito hanggang ngayon ay nagkukumpuni pa rin siya ng kotse ng iba. Naisip ko na sana ay may sarili ring kotse ang tatay ko na gagamitin niyang service sa kanyang pagpasok at para naman hindi na lang siya gumagawa ng sasakyan ng iba dahil siya na rin ang gagawa ng sarili niyang sasakyan kapag nasira ito.
Pangarap ko na balang araw ay maregaluhan naman ng sasakyan ang aking ama kapag ako ay umasenso na sa buhay. Ang kanyang walang sawang pagsisikap at walang patid na pagtataguyod at pagmamahal sa amin ay lubos naming pinapahalagahan kaya naman ginagamit namin ito upang maging inspirasyon sa pagtupad ng aming mga pangarap at sa pagsisikap na makatulong sa kanila. Ganyan lang siguro ang buhay may hirap at ginhawa, simple man ang ating pamumuhay ay masaya naman tayo dahil sa buo ang ating pamilya,malalakas at may pagkakaisa.
Sa iyo aking ama, maraming-maraming salamat sa suportang iyong ibinibigay mula nang kami ay isilang. Naaalala ko pa ang ilan sa mga sakripisyo mo gaya na lamang tuwing kami ay papasok ng maaga sa eskwelahan ay gigising ka rin ng maaga upang maghanda ng aming almusal at ihatid kami sa aming paaralan sa kabila ng iyong pagod sa pagbabanat ng buto sa maghapon, at sa iyong pag-uwi ikaw naman ay papasok sa iyong trabaho upang kami ay patuloy na masuportahan sa pang araw-araw na pangangailangan.
Lubos ka naming pinagmamalaki dahil tunay kang naging isang mabuting haligi ng tahanan sa ating pamilya. Sa iyong pagiging mahinahon sa gitna ng problema kung saan kahit gaano ito kabigat ay di mo hinahayaang kami ay maapektuhan, ang iyong pagiging palabiro at masayahin na siya namang nagdudulot ng halakhak sa ating tahanan tuwing tayo ay magkakasama.
–––––––––––––––––––––––––––––––––––––––––––––––––
Si Marlon A. Epiz, 19, ay estudyante sa PUP at naninirahan sa Teresita Vill. Concepcion I, Marikina.
- Latest
- Trending