Stranded Pinoys sa Khandara flyover, Saudi Arabia
KAMI ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay naalarma sa ulat na marami na namang Pinoy ang stranded sa ilalim ng Khandara flyover sa Jeddah, Saudi Arabia, matapos silang tumakas sa mga amo na nagmaltrato umano sa kanila. Base sa impormasyon, 22 Pinoys, kabilang ang mga kababaihan at mga bata, ang kasalukuyang nasa ilalim ng tulay at naghihintay ng tulong ng ating pamahalaan at nakikipagsapalaran na rin na mahuli ng Saudi immigration authorities at ipa-deport pauwi sa ating bansa.
Noong 2008, pinangunahan ni Jinggoy ang pagpukaw sa atensyon ng pamahalaan sa unang pagdagsa ng distressed Filipinos sa ilalim ng nasabing tulay. Umabot sila noon sa mahigit 100, na karamihan ay nakaranas ng pagkagutom at pagkakasakit. Pinagtagpi-tagping mga yero, kahoy at karton lang ang tinitirahan nila roon.
Si Jinggoy, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng Joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ay nanawagan noon sa administrasyong Arroyo na tulungan ang mga Pinoy sa pamamagitan ng agarang repatriation at pag-asiste sa kanila sa paghahanap ng alternatibong trabaho.
Dahil sa kabagalan ng aksyon ng pamahalaan, lumobo pa sa mahigit 300 ang stranded Pinoys doon noong 2009. Sa pagpasok ng 2010 ay nakauwi na rin sila dito sa Pilipinas sa tulong ng iba’t ibang mga grupo na sumuporta sa kanila. Pero ngayon ay mayroon na namang 22 mga kababayan natin na nagkaproblema sa kanilang mga amo ang nagtungo uli sa Khandara flyover. Mauulit ang ganitong sitwasyon hanggat may mga nagmamaltratong amo sa kanila.
Kami ni Jinggoy ay naniniwalang ang solusyon sa problemang ito ay ang pagsasampa ng kaso laban sa mga mapang-abusong foreign employer at ang komprehensibong labor agreement ng Pilipinas sa Saudi Arabia na magtitiyak na tatratuhin nang maayos ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa naturang bansa.
- Latest
- Trending