Skyway
GUSTO ko sanang dugtungan ang titulo ng artikulong ito pero medyo seryoso ang gusto ko ring pag-usapan. Apat na tao, kabilang ang tatlong mga bata, ang namatay nang bumaliktad ang kanilang sinasakyang SUV sa Skyway. Isang Toyota Fortuner na minamaneho ng isang babae ang bumangga sa pader, umikut-ikot, at bumaliktad sa Skyway noong Linggo. Mga bata na may edad na lima at sampung taong gulang ang agad namatay sa aksidente. Ang drayber naman ay namatay habang ginagamot sa ospital.
Base sa mga pangunahing imbistigasyon, mukhang nawalan ng kontrol ang nagmamaneho ng sasakyan. Natagpuan ding putok ang isang gulong, pero hindi pa matiyak kung ito yung sanhi ng pagkawalan ng kontrol o dahil na lang sa aksidente. Walang binanggit sa ulat, pero malamang hindi naka-seatbelt ang mga bata nang maganap ang aksidente. Dead on the spot ang tatlo. Kapag mga bata ang magkakasama sa isang sasakyan, masasaya sila at naglalaro kahit nakaupo. Tumapon sila sa labas nang bumaliktad ang sasakyan. Napakasaklap at napakalungkot naman ng sinapit nila.
Ang Skyway ay ginawa para makatulong sa pagbilis ng daloy ng trapik patungong Alabang at mga karatig-pook. Marami na rin kasi ang nakatira sa bahagi ng Hilagang Metro Manila, kaya ang South Luzon Expressway ang kanilang tanging daan. Pero kilalang patakbuhan din ng mga matutuling sasakyan ang Skyway. Kailangan mo lang manood sa YouTube para makita ang mga mamahalin at matutuling sasakyan na nagpapatakbo, minsan kumakarera pa sa Skyway. Masarap magpatakbo nang matulin dahil walang kasalubong, siguradong walang tatawid at maganda ang kalsada. Pero sa halip nito, hindi pahintulot para magpatakbo na parang eroplanong papalipad na! Skyway nga ang tawag, hindi runway! Dapat siguro may laging nagbabantay na otoridad na kapag tila nagpapatakbo na nang matulin, agad nang pinahihinto at hinuhuli. Katulad niyan, puro mga bata pa ang napinsala. Huwag na tayong maghintay ng kasunod!
- Latest
- Trending