KARAMIHAN sa atin ay nagalak sa bilis ng pagbilang ng boto ng precinct count optical scanners. Bagamat nainis tayo nu’ng una sa mahaba, mainit, at mabagal na pila sa labas ng polling precincts nu’ng Election Day, tiniis natin dahil excited tayo maranasan ang kauna-unahang nationwide automated balloting. At kumalma tayo nang lumitaw ang malaking agwat ni Noynoy Aquino sa presidential race, at mabilis na pag-concede ng pagkatalo ni Manny Villar.
Pero nang tumagal ang bilangan ng mga lokal na resulta, bumalik ang agam-agam. Nagduda tayo muli kung ano ang ginagawa ng Comelec at automation supplier nitong Smartmatic. Suspetsoso ang pagpapatigil ng bilangan sa probinsiya -- halimbawa, Pangasinan, Palawan, Isabela -- nang pare-parehong pumalo sa 85% ang natapos na presinto. Ano ito, nagtanungan ang mga mamamayan? Hinihimas na ba ng mga sindikatong dagdag-bawas ang mga resulta at ibinebenta na sa highest bidders?
Lalo pang nakabahala nang dumagsa ang mga ulat na hanggang Biyernes ay 19% pa ng mga presinto ang hindi nakakapag-transmit ng resulta. Dinadaya na kaya ang mga pook na ‘yon kaya hindi agad maisumite ang election returns sa pamamagitan ng text messaging? Hanggang ngayon hindi nasasagot ang tanong: Bakit sa Mauban, Quezon, halimbawa, zero lahat ng kandidato sa isang cluster, pero hindi inalam sa pamamagitan ng manual audit kung lahat ng iba pang PCOS? Bakit nga ba inalis ng Comelec-Smartmatic ang on-screen voter verification feature ng PCOS, na magpapatunay sa botante na tama ang pagbasa sa balota niya imbis na sinasabing “congratulations?” At bakit nga ba ayaw pumayag ng Comelec-Smartmatic sa parallel manual count
ng selected positions (President, VP, mayor) para lang matiyak kung tama ang bilang ng mga PCOS, pero tinuloy pa rin ang mas mabagal na random manual audit?
Maraming pagdududa sa resulta ng Eleksiyon 2010. Dinaan sa bilis, hindi sa accuracy ng bilang. Baka may automated dagdag-bawas.