ANG buong pamilya Estrada ay taos-pusong nagpapa-salamat sa lahat ng mga sumuporta sa kandidatura ni Presidente Erap, ng aming panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada at ng buong tiket ng Pwersa ng Masang Pilipino (PMP).
Tunay na pagmamahal at pakikiisa ang isinalubong at ibinigay sa kanila ng mga mamamayan laluna ng masang Pilipino sa lahat ng panig ng ating bansa. Nakatataba ng puso ang mainit na pagtanggap sa kanila ng mga residente sa lahat ng mga lugar na nakayanang maabot ng kanilang campaign sorties at political rallies.
Aminado ang PMP na hindi malaki ang naging pondo ng kanilang kampanya kung ikukumpara sa ibang partido na gumastos ng bilyong piso sa political advertisement, endorsement ng mga personalidad, mass production and distribution ng campaign paraphernalia, mga engrandeng pagtitipon sa halos ng sulok ng bansa at iba pang aspeto ng pangangampanya.
Gayunman ay masayang-masaya ang PMP sa ginawang pagboluntaryo at pagtaguyod ng mismong mga mamamayan sa kanilang kandidatura. Ang mga nanay, tatay, lolo, lola at mga kabataan ay nakipagdaupang-palad at naghayag ng buong suporta sa kanila.
Alam kasi ng mga tao na ang PMP ang tunay na nagsusulong ng interes at kapakanan ng mga mamamayan at ito rin ang partido na may komprehensibong formula upang maiahon ang ating bansa mula sa kumunoy ng patuloy na lumalalang kahirapan, kagutuman, inhustisya at halos kawalan na ng pag-asa. Ang PMP ang tunay na nakikipagkapit-bisig sa taumbayan sa paglaban sa mga katiwalian at pag-abuso ng mga nasa kapangyarihan.
Noon, ngayon at sa mga susunod pang panahon, sina Erap, Jinggoy at kanilang mga kasama ay katuwang ng sambayanang Pilipino sa pagkilos tungo sa tunay na kaunlaran at kaginhawahan ng ating bansa.
Sila ang tunay at sinserong mga lider ng bansa na nagsisilbi nang tapat at buong-puso.
Muli, maraming salamat sa inyong suporta. Makaaasa kayo nang tuluy-tuloy at ibayo pang serbisyo nina Erap, Jinggoy at buong pamilya Estrada.