^

PSN Opinyon

'Mga sungay na tumubong muli'

- Tony Calvento -

MINSAN na naming pinutol ang sungay ng tatlong menor de edad na babae na nilapit sa amin ng kanilang sariling ina at lola. Akala namin okay na ang lahat, lingid sa aming kaalamanan hindi pa nag-iinit ang kanilang mga puwet sa kanilang bagong tahanan kasama ang kanilang ina tumubong muli ang mga sungay nila Den, Aicel at Monika (di tunay na pangalan).

Matatandaang una ng nagsadya sa aming tanggapan si Elvira Espadido o “Elvy”, 48 taong gulang ng San Pablo, Laguna.

Ang reklamo sa amin ni Elvy, sakit sa ulo umano ang tatlong maria niyang sina Den, Aicel at Monika. Mahigit isang dekada ng biyuda itong si Elvy kaya’t mag-isa niyang binuhay ang mga anak sa pagtitinapa.

Lumaking maayos ang mga anak na lalaki ni Elvy. Ang tanging naging pasaway lang umano ay ang tatlo.

Sa murang edad ng mga bata’y marami ng bisyo ang mga ito ayon na rin kay Elvy. Mga malalakas uminom ng alak at humithit ng sigarilyo. Mga laman rin daw sila ng kalsada kasama ang barkada nilang pawang mga menor-de-edad rin.

Dalawang taong ganito ang sitwasyon ng mag-iinang Espedido. Kahit saan sila lumipat ng bahay ay kadikit na ng mga anak ni Elvy ang pakikipagbarkadang nagiging masamang ihemplo sa kanila.

Sinubukan ni Elvy na lumapit sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), San Pablo para maaksyunan ang ma­samang nagagawa na nila Den subalit hindi maaring gampanan ang tung­kulin ng DSWD ang pagdidisiplina sa tatlo.

Lahat ng pangaral at pagdidisiplina ginawa na ni Elvy subalit mas lumala ang tatlo niyang anak. Si Den pagdating ng hapon hindi na mahalughog sa bahay. Umiinom na kasama ang mga barkada, madaling araw na kung umuwi. Si Aicel naman puro lalaki na ang inaatupag sa edad niyang 14 hindi na umano mabilang ang mga naging ‘boyfriend’ niya. Ang bunso namang si Monika natutulad na rin sa mga kapatid, manginginom na rin.

Ito ang nagtulak kay Elvy na ilapit sa amin ang tatlong sakit sa ulo niyang mga anak. Ika-29 ng Enero 2010, bumalik sa aming tanggapan si Elvy kasama ang kanyang mga anak.

Sa puntong ito, kinuha rin namin ang panig ng mga bata dahil hindi naman sila magigising nalang isang araw na may mga sungay na.

Kinausap namin ng mabuti sina Den, Aicel at Monika. Isa-isa namin silang tinanong. Aminado naman ang tatlo na meron na silang mga bisyo subalit ang hindi alam ni Elvy may hinanakit din ang mga bata na dapat matugunan.

Ayaw nilang umuwi sa bahay ng kanilang lolang si Constancia Castro dahil umano sa pangmomolestiya sa kanila ng kanilang tiyuhin na si Mario. Ilang ulit umano silang hinipuan sa dibdib ni Mario sa tuwing naka-‘shabu’ umano ito.

“Hindi po namin kayang tumira kay lola, pakiramdam namin na anumang oras kaya kaming lapastanganin ng aming tiyuhin,” wika ni Den.

Ayaw ng mga batang humantong pa sa higit na pangbababoy ang mangyari sa kanila kaya’t mas pinili nilang mabuhay kasama ang mga barkada.

Dagdag pa nila kapag may nawawalang gamit o pera sa bahay ng kanilang lola ay sila agad ang pinagbibitangan. Kung pahiyain rin daw sila ni Constancia tuwing sila’y pagagalitan ay isa sa mga dahilan kung bakit ayaw nilang pumirme sa bahay.

Tinanong namin ang tatlong dalagita kung mas gusto nila sa DSWD kung saan may tatayong magulang sa kanila? Diresto naman nilang sinagot na ayaw nilang mamalagi dun.

Pinag-ayos namin ang mag-iina, pinagharap namin sila at isa-isa namang humingi ng tawad sina Den, Aicel at Monika, live sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00 ng hapon).

Minsan pa, pinagbigyan ni Elvy ang tatlong anak. Sa kagustuhan rin ng tatlo na huwag ng makitira sa kanyang lola minabuti ni Elvy na tumuloy sa bahay ng anak niyang lalaki.

Nangako sina Den, Aicel at Monika na iiwas na sa barkada at magha­hanap ng ibang pagkakaabalahan kung saan malilipat ang kanilang atensyon.

Umuwing magkakasundo ang mag-iina sa pag-aasang isa itong panibagong buhay sa kanilang mag-anak subalit makalipas ang tatlong buwan, bumalik si Elvy sa amin kasama ang manugang na si Cristina kung saan sila tumutuloy nila Den.

Pagsisiwalat ni Elvy, dalawang linggo lang daw bumait ang tatlo. Makalipas nun ay bumalik pa rin ang mga ito sa bisyo at barkada. Mga bagong barkada na daw ang kasama nila Den, Aicel at Monika. Kumalas na ito sa dati nilang grupo at sumanib sa bagong mga kaibigan na madalas mapaaway ayon kay Elvy.

Si Monika raw madalas tumambay sa ‘Barleta’. Bali-balitang kainuman umano ang mga lalaking may edad na.

“Ayaw nilang mag-aral. Ayaw naman nila kong tulungan magtinda. Mga gala pa rin sila’t lulong na sa bisyo! Dis-oras ng gabi umaalis sila, dumadaan pa sa riles ng tren. Gusto talaga nilang mapahamak,” sabi ni Elvy.

Kinausap namin si Usec. Alice Bala ng DSWD, National upang tulungan si Elvy sa problema nito sa kanyang mga anak. Sinabi naman ni Usec. Bala na makikipag-unayan siya sa LSWD, Region IV-A ng Local Unit o mga License  NGO’s na pwedeng mangalaga sa mga bata.

Aatasan din ni Usec Bala ang kanilang Regional Director ng sa ganun ay personal nilang mapuntahan si Elvy para makausap ng mga social workers. Kapag nangyari ito pansamantalang mapupunta sa DSWD sina Den, Aicel at Monika kung saan sila mabibigyan ng kalinga. Isasailalim rin sila sa ‘psychological rehabilitation’ para maibalik kay Elvy ang mga anak sa tamang oras.

Pinuntahan ng DSWD ang tatlo subalit hindi nila ito matiyempuhan at matagpuan ilang araw na rin umanong hindi umuuwi. Wala rin naman kakayahan ang DSWD na hanapin ang mga ito sa buong San Pablo City. Minabuti namin makipag-ugnayan sa mismong Mayor upang utusan ang kanyang mga pulis na hanapin ang mga menor-de-edad ng sa ganun ay ma-turn over ito kina Usec. Bala.

Sina Den, Aicel at Monika ay ilalagay sa isang ‘rehabilitation center’ upang maturuang mamuhay ng maayos alinsunod sa kanilang murang edad. Kapag sila’y handa na at nabago na ang mga maling ugali na napulot sa kanilang mga kabarkada ibabalik sila sa kanilang ina na talaga namang nangangailangan ng kanilang tulong upang silang lahat ay makapamuhay ng marangal at kapaki-pakinabang sa lipunan.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Para sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landLine ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Email: [email protected]

AICEL

ANAK

DEN

ELVY

KANILANG

MONIKA

RIN

SILA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with