Si Recto sa midnight appointment issue
SANDAMAKMAK na batikos ang bumubuhos kay Presi-dente Arroyo sa paghirang niya ng mga opisyal ng pama-halaan sa ilang araw na nalalabi sa kanyang panunungkulan. Hindi ito maiiwasan yata dahil may mga opisyal na nagbitiw dahil kumakandidato ngayon. Ang kuwestyon,bakit may mga outsiders na itinatalaga ng Pangulo?
May mungkahi si dating senador Ralph Recto. Imbes na humirang ng taga-labas, mag-promote ng taga-loob. Hindi nga naman magkakaroon ng demoralisasyon sa mga ahensya kung magkagayon.
Magandang legacy kung itataas sa tungkulin yung mga insiders sa mga ahensya.
May lohika ang panukala ni Recto. Ang mga datihan na sa isang ahensya ay mas kabisado ang mga napasimulang programa kaysa mga taga-labas na lilitaw lang na political appointees. Magiging tuluy-tuloy ang implementasyon ng mga naumpisahan nang programa.
Si Recto ay muling humihirit sa Senatorial race sa Liberal Party. Balitang tinanggihan ni Recto ang alok na campaign fund ng partido sa pamumuno ni Noynoy Aquino na siyang presidential standard bearer. “Que pobresito” raw kasi ang LP pagdating sa pondo. Di tulad ng Nacionalista Party ni Manny Villar na bumubuhos ang pondo na pinagdududahan pang galing mismo sa administrasyon dahil si Villar daw ang “secret bet” ni PGMA.
Tinawagan daw ng dalawang kapatid na babae ni Noynoy si Recto para ipabatid na mayroon siyang campaign fund na nakalaan ngunit ito’y tinanggihan dahil sa nasabi na nating dahilan. Sa pangyayaring ito’y dapat marahil mahiya yung mga kandidato sa ano mang posisyon na tumatakbo “for the funds of it.”
Kung sinsero ang kandidato sa layuning kumandidato, ang dapat na dahilan ay serbisyo sa bayan at hindi sa lukbutan. Marami kasi ang ganyan ang puntirya. Secondary na lang yung panalo at kung magwagi, bonus pa iyan dahil tiyak na makapangungurakot ang mga ito. Grabeh! Kaya tulad ng lagi kong sinasabi, maging matalino tayo sa pagboto sa May 10. Dapat karapatdapat! May takot sa Diyos, magandang plataporma at kakayahang ipatupad ito. Tiyak BABA-NGON ANG BAYAN!
- Latest
- Trending