EDITORYAL - Bawasan ang pagbibiyahe
SA lahat ng mga naging presidente ng Pilipinas, si Mrs. Arroyo ang maraming napuntahang bansa. At kahit na tatlong buwan na lamang ang natitira sa kanyang termino, humirit pa uli siya para makapagbiyahe. Bukas ay aalis siya patungong Hanoi, Vietnam para dumalo umano sa dalawang araw na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit. Pagbalik niya mula sa Hanoi, aalis muli siya at magtutungo naman sa United States para sa Nuclear Security Summit na ipinatawag ni President Barack Obama. Tatagal siya sa US mula Abril 12 hanggang 13. Sa Abril 15 hanggang 16 ay sa Spain naman ang tungo niya. Hindi naman sinabi kung ano ang dadaluhan niya sa Spain.
Maaaring bago matapos ang termino ni Mrs. Arroyo ay marami pang bansa siyang mapuntahan. Tuwing aalis ang presidente, marami siyang kasamang malalapit na pulitiko o kaalyado. Isa sa madalas niyang kasama sa paglalakbay ay si Occ. Mindoro Rep. Amelita Villarosa, na ngayon ay pinuno ng Lakas administration party. Bukod kay Villarosa marami pang kasama si Mrs. Arroyo. Nang magtungo sila sa US noong kauupo pa lamang ni Barack Obama, sangkatutak ang kasama ni Mrs. Arroyo. Masyadong magastos ang kanilang paglalakbay sa America sapagkat kumain sa mamahaling restaurant sa Washington at New York. Noong una’y itinatanggi pa ng ilang Cabinet members na kumain sila nang masasarap at mamahaling pagkain pero sa dakong huli ay umamin din.
Lagi rin namang nagpapaalala ang Malacañang na nararapat daw magtipid ang mamamayan lalo pa’t ngayong panahon krisis at ang bansa ay hinahaplit ng El Niño. Marami nang mga pananim ang napinsala nang matinding tagtuyot. Maraming pananim sa Isabela, Occ. Mindoro at marami pang probinsiya sa Visayas ang natuyo at walang napakinabang ang mga magsasaka. Ang iba ay nagsabing hindi nila malaman kung saan sila kukuha nang maipantatawid-gutom. Paulit-ulit ang pagsasabi ng Malacañang na magtipid ang publiko sa tubig, gasolina, enerhiya at iba pa. Kailangan daw magsakripisyo sa panahong ito. Huwag na raw gamitin ang mga sasakyang malakas lumaklak ng gasoline at mag-LRT o MRT na lamang.
Habang nagpapaalala ang Malacanang na magti-pid, ang presidente naman ay walang tigil sa pagbibiyahe. Lilibutin ang mga bansa habang nasa puwesto.
Sa susunod na presidente, dapat maputol na ang magastos na pagbibiyahe. Itigil na ang paggastos na ang taumbayan ang bumabaktot sa pagbabayad ng kung anu-anong buwis.
- Latest
- Trending