Mga walang kusa sa isyu ng arinang Turkey
TILA hindi agresibo ang gobyerno hinggil sa isyu ng pag-aangkat ng Pilipinas ng mga imported na arina mula sa Turkey.
Ang Department of Health, Department of Trade and Industry at Bureau of Food and Drugs, singkupad ng mga pagong kung magbigay ng reaksiyon.
Kung hindi pa nagkusa ang Philippine Association of Flour Millers Inc. (PAFMI) na ipasuri sa BFAD ang mga arinang galing Turkey, walang ibang kikilos para gawin ito.
Ang pagpapasuri ay bunsod ng kontrobersiya na hindi raw ligtas sa kalusugan ng tao ang arinang mula Turkey. Ang resulta ng nasabing pagpapasuri, malalaman pagkatapos ng Semana Santa.
Nauna rito ay ang report ng Journal of Food and Drug Analysis (Vol. 16, No.2, 2008) ang arinang gawa sa Turkey ay positibong kontaminado ng toxins na nagdudulot ng cancer sa tao.
Dahil sa pagsusuring ito, agad kumilos ang pamunuan ng ilang bansang dating umaangkat ng arina sa Turkey, isa na rito ang Indonesia.
Tuluyan nang pina-ban o pinahinto ng Indonesia ang pagpasok ng arinang ito sa kanilang bansa upang protek tahan ang kalusugan ng kanilang mamamayan at maging ang kanilang local na industriya ng pag-a-arina.
Ang pagpalag ng PAFMI sa pagpasok ng mga imported na arinang ito ay bunsod ng malaking epekto nito sa ekonomiya ng bansa partikular ang producers ng arina sa ating bansa.
Ang mga arina kasi na mula sa Turkey ay ipinapasok sa bansa nang walang permit mula sa pa mahalaan, sa madaling salita, ipinupuslit.
Technical smuggling ang tawag dito kung saan P20 million na ang nawawala sa gobyerno sa hindi pagbabayad ng buwis at import duties ng mga ipinupuslit na arina.
Napatunayan din ito ng BITAG matapos naming madiskubre noong nakaraang taon na ilang warehouse sa Lawang Bato sa Valenzuela ay punumpuno ng mga smuggled na arinang mula sa Turkey.
Bukod dito, ang mga imported na arinang ito ay ibinebenta ng mas mura sa merkado kung kaya’t nagiging dahilan ng pagkatalo sa kita ng mga lokal na manggagawa natin ng arina.
Kaya ngayon, pinupukol ng mga katanungan at pagdududa ang mga ahensiyang nabanggit sa itaas ng kolum na ito kung ano ang kanilang ginagawa sa isang seryosong problemang tulad nito.
Ang pagpasok ng arinang mula Turkey na pinangangambahang makapagdudulot ng cancer sa ating mamamayan. Nakaaalarma, nakakapangamba…tsk tsk stk
- Latest
- Trending