Comelec malamya sa pekeng party lists
PAPANO ka maniniwala sa Comelec? Sa aplikasyon ng Ang Ladlad para kumatawan sa third sex, mabilis na umayaw ang poll body dahil umano’y imoral maging gay. Pero sa usapin kung ethical ang pagkatawan ng mayayamang politiko sa marginalized sectors sa party list, malamya ito. Palusot ni Chairman Jose Melo na dahil wala umanong batas na nagpapa-kahulugan sa “marginalized,” hindi nila mahaharang ang mga pekeng representante. Kaya, maaring bumalik sa Kongreso si Rep. Mikey Arroyo, anak ni Presidente Gloria Macapagal Arroyo, sa pamamagitan ng pekeng pagkatawan sa security guards at jeepney drivers. Gayundin, maaring umakyat-bahay sa House of Reps ang mga cabinet member at iba pang tau-tauhan ni GMA sa pamamagitan ng pagkukunwaring pagtayo para sa mahihirap.
Dapat ipaalala kay Melo ang dalawang bagay. Una, mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang panlalait sa sinoman dahil sa kasarian, kaya hindi puwede mambansag ang Comelec na masasama lahat ng bakla. Ikalawa, malinaw naman sa Konstitusyon kung sino ang mga “marginalized.” Nagbigay pa nga ng mga ehemplo (Article VI, Section 5 (2): Manggagawa, magsasaka, maralitang tagalungsod, katutubong tribo, kababaihan, kabataan, huwag lang ang simbahan. Kaya ang pagsabing tunay na kumakatawan si Mikey sa mga sekyu at tsuper ay pagbabaluktot sa intensiyon ng probisyon ng Konstitusyon.
Nagbubulag-bulagan si Melo sa problema ng sistemang halalan: Ang paghahari ng salapi. Imposibleng hindi alam ng isang hepe ng Comelec na ang pamimili ng boto (at canvass) at labis na paggastos sa kampanya ang ugat ng bulok na sistema. Dahil bulok ang ugat, bugok din ang bunga — ang pork barrel na pinapanatili ng mga nahalal para bawiin ang kanilang tinustos sa kampanya.
Isa lang ang kauuwian ng malamyang tindig ng Comelec sa pekeng representante sa maralitang party lists: Pananatilihin ang bulok na sistema.
- Latest
- Trending