Pasugalan, prostitusyon sa Makati 'disimulado'
NANGUNGUNANG lungsod ang Makati sa Pilipinas. Ito ang pinaka-Wall Street natin dahil isang financial district. Pero kung sino man ang magiging next Mayor ng siyudad, dapat linisin ang lungsod sa mga pasugalan at bentahan ng panandaliang aliw. Pero meron nga ba? Mayroon daw, hindi nga lang halata ang operasyon.
Ang pagkalat ng ilegal na pasugalan at prostitusyon sa tinaguriang “financial district” ay paksa sa isang forum na dinaluhan ng mayoralty candidates ng lungsod.
Ito ang ibinuking ni Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado, kandidato sa pagka-alkalde ng Nationalista Party. Aniya, nakababahala na laganap ang electronic casinos na inooperate sa mga hotel at establisimiyento na nag-eendorso ng prostitusyon na nabigyan naman ng lisensya para mag-operate ng business processing and licensing office (BPLO).
Pangako naman ni Mercado, kapag nanalo siya, ipasasara niya ang mga naturang establisimiyento at tuluyan nang wawakasan ang illegal na aktibidades na siyang isusulong sa ilalim ng kanyang administrasyon. Inamin ni Mercado na wala siyang kapangyarihan na pigilan ang BPLO sa pag-aapruba sa mga permit upang mag-operate.
“They allowed these illegal activities to operate which give bad reputation to the city,” ani Mercado sa ginanap na forum sa Polo Club Manila sa harap ng mga miyembro ng Rotary ng Manila at Makati .
Binigyang diin pa ni Mercado na nabahala siya sa naglipanang establisimiyento makaraang makatanggap ng mga reklamo galing mismo sa mga residente ng lungsod.
Kabilang umano sa mga establisimentong ito ang isang bar na ang tawag ay Eustacia na pag-aari umano ng isang Saito San at ang condotel na Roman Suites. Pinaksa ito sa panayam kay Mercado sa panayam ni Karen Davila sa ANC. Anyway, saan mang dako ng bansa may ganitong disimuladong kalaswaan, dapat nang buwagin dahil nakasisira ng moralidad ng taumbayan.
- Latest
- Trending