Komprehensibong solusyon sa energy crisis
ANG aking panganay na anak na si Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) reelectionist senator Jinggoy Ejercito Estrada ay nananawagan sa Malacañang na isulong na ang komprehensibong solusyon sa nararanasang krisis sa enerhiya. Ayon kay Jinggoy, ang solusyon ay nakadetalye sa ipinasang Renewable Energy Act (Republic Act 9513) na kabilang siya sa nag-akda sa ilalim ng Senate Bill Number 588.
Isinasaad ng naturang batas ang pagbibigay ng sapat na pondo at atensyon sa pagsasaliksik at paglinang sa “indigenous, clean and renewable energy sources” o mga pagkukunan ng enerhiya na lokal, malinis, hindi nakasisira sa kalikasan at paulit-ulit na puwedeng gamitin dahil hindi nauubos. Partikular aniya sa mga ito ay ang init mula sa ilalim ng lupa (geothermal), init ng araw (solar), hangin (wind), alon sa dagat (oceanic waves) at mga katulad na energy sources.
Naging sobrang nakaasa ang Pilipinas sa fossil fuel energy o petrolyo na patuloy na tumataas ang presyo at halos nauubos na rin ang deposito sa ilalim ng lupa o ng karagatan, bukod pa sa mayroon itong masamang epekto sa kalikasan.
Tumpak ang paggamit ng ating bansa sa hydro power o enerhiya mula sa mga turbinang pinaaandar ng agos ng tubig mula sa dam, pero tuwing nagkakaroon ng kasalatan sa tubig laluna ngayong panahon ng El Niño ay hindi na ito sumasapat. Ito ang dahilan kung bakit nakararanas tayo ng malawakang brownouts na labis na nakaaapekto sa mga negosyo, agrikultura, at siyempre, sa ating araw-araw na pamumuhay.
Binigyang-diin ni Jinggoy na mali ang nakagawiang mga hakbang ng pamahalaan tulad ng pagdaragdag ng impor-tasyon ng petrolyo o kaya ay pagbili o pag-arkila na naman ng mga power generator para raw matugunan ang energy crisis. Hinahamon ni Jinggoy ang pamahalaan at ang mga negosyante sa industriya ng enerhiya na itaguyod ang eksplorasyon, pag-develop at pagpapalaganap ng alternative energy sources bilang tunay na komprehensibo, mas mura at pangmatagalang solus-yon sa paulit-ulit na energy crisis sa bansa.
- Latest
- Trending