UMA-AVERAGE nang dalawa kada linggo ang pinapatay ng mga gun for hire sa Metro Manila. Iisa na ang modus operandi. Susundan ng dalawang motorsiklista na may mga angkas ang sasakyan ng target. Kapag tumigil ang huli sa stop light, pauulanan siya ng bala mula sa pinaikling riple o pistol. Sisiguraduhing patay ang biktima sa pamamagitan ng huling bala sa ulo. Tapos, cool na cool na aalis ang assassins.
Sa dalas ng patayan, halatang hindi kaya ng national capital region police na sugpuin ang mga kriminal. Ayon sa tatlong PNP sources, parang cottage industry na ang gun for hire. Mura magpapatay dahil sa dami ng kakompetensiya sa raket. At madali bumanat ngayon dahil may election gun ban ang mga masunurin sa batas pero tina-target na mamamayan.
Dalawa ang kilos ng PNP nang in-ambush si jueteng whistleblower Boy Mayor sa Parañaque nu’ng nakaraang linggo. Una, pina-a-accost ni Director General Jesus Verzosa ang mga “riding tandem” o magkaangkas sa motorsiklo. Ikalawa, sinuri ng mga imbestigador kung ang mastermind ay konstratista sa Bicol na ie-expose sana ni Mayor sa katiwalian.
Kulang ang mga kilos. Dapat ay tugisin mismo ang mga pumatay. Anang pulis sources, hindi kasing galing ng Mafia sa America kumubli ang mga contract killer sa Pilipinas. Dati na silang may profile. Kaya ng NBI o PNP-Criminal Investigation and Detection Group na ilista sila: mga kawatang pulis o sundalong nasa serbisyo man o sinibak, mga civilian assets nila, bodyguards ng mga politiko, mga da ting rebelde o Cafgu na walang masilungan, at mga dati o kasalukuyang bilanggo. Sana bumuo ng special task forcing NBI at CIDG, kasama ang PNP at AFP intelligence, tulad ng mga tumugis sa kidnappers for ransom at bank robbers nu’ng 2002-2004.
Tamang i-pinpoint ang masterminds. Pero madalas, anang sources, hindi sila magkakilala ng hitmen dahil merong namamagitang broker. Dapat din daw higpitan ang gun control sa mga walang lisensiya.