EDITORYAL - Patuloy ang pagdami ng mga nagugutom
WALANG kiyemeng sinabi ni Albay governor Joey Salceda na lalong dumami ang mga nagugutom mula nang maupo sa puwesto si President Arroyo noong 2001. Sinabi ni Salceda na mula 11.4 percent noong 2000 ay naging 20.3 noong nakaraang taon (2009). Si Salceda, na economic adviser ni Mrs. Arroyo ay nagsabi pang lalong dumami ang mayayaman at lalong naging mahirap ang mga mahihirap.
Tama naman ang sinabi ni Salceda at hindi na kailangang magkaroon pa ng survey sa nararanasang kagutuman ng mga Pilipino. Hindi bumababa ang bilang ng mga nagugutom kundi dumarami pa. Bagamat laging sinasabi ng pamahalaan na gumaganda ang ekonomiya, hindi naman ibig sabihin ay nalunasan ang nararanasang pagkagutom ng mga Pinoy. Hindi nawawala ang problema sa pagkagutom.
Ang pagdami ng mga nagugutom ay hindi na ikinaila ng Palasyo. Sabi ni Deputy Presidential spokesman Gary Olivar, maaaring totoo raw ang sinabi ni Salceda pero ang problemang ito ay nag-iisang spot lamang sa marami nang nagawa ni Mrs. Arroyo sa bansa sa loob nang mahabang taon ng panunungkulan. Meron daw maiiwan si Mrs. Arroyo sa sambayanan.
Patuloy ang pagdami ng mga nagugutom at tiyak na madadagdagan pa dahil sa pananalasa ng El Niño sa maraming lugar sa bansa. Marami nang napinsalang pananim at nangangamba ang mga magsasaka na wala silang maisalba sa kanilang mga pananim. Tuyung-tuyo na mga tanim na palay, mais, gulay at marami pang iba. Sabi ng mga magsasaka, magugutom sila kapag naubos ang kaunting ani. Tulong ang kailangan nila ngayon.
Isa sa dahilan ng nararanasang gutom ay dahil sa malalang corruption na namamayani sa maraming ahensiya ng pamahalaan. Unahin ang paglipol sa mga corrupt para malutas ang kagutuman.
- Latest
- Trending