Pilipinas malapit na maging failed state
SA SOMALIA naghahari ang warlords sa bawat probinsiya. Hindi na kaya ng central government ipatupad ang batas. Kaya, hayun, naglipana ang pirata sa karagatan, binibiktima ang intercontinental vessels, habang ninanakaw ng dayuhan ang pangisdaan. Gan’un din sa Afghanistan, warlords ang tumatayong local governments. Walang pamunuang sentral; wasak ang mga institusyon: hudikatura, lehislatura, relihiyon (Islam), media, militar. Sa Colombia mas malalakas ang armas ng drug lords kaysa pulis; kinikidnap nila ang mga mamamahayag na bumibisto sa raket, at binobomba ang TV networks. Dumarami ang mga failed states — Iraq, Congo, Nepal, Liberia, Angola, Georgia — dahil hindi inasam o pinangalagaan ng mamamayan ang demokrasya.
Malapit nang mapabilang ang Pilipinas sa mga failed states. Mabilis nang naglalaho ang mga institusyon. Si Presidente Arroyo mismo, at mga kamag-anak, kaalyado at cronies niya mismo ang nagwawasak sa militar, simbahan (Katoliko), media, lehislatura, hudikatura, burokrasya, politika, at local governments sa pamamagitan ng panunuhol. Naghahari na rin sa bansa ang warlords. Dating naghahari ang mga Ampatuan sa Maguindanao at mga Mangudadatu sa Sultan Kudarat. Ngayon, matapos makulong ang mga Ampatuan dahil sa massacre, sasaklawin na rin ng mga Mangudadatu ang Maguindanao. Samantala, muntik ipamigay ng Malacañang ang malalaking bahagi ng Maguindanao, Lanao, Cotabato, Zamobanga at Sulu sa separatistang Moro Islamic Liberation Front. Mga traditional politiko ang naghahari sa iba pang probinsiya.
Hindi lang sa Mindanao gan’un. Ang Cagayan ay hawak ng isang angkang politiko na nagpapatakbo ng economic freeport bilang pasugalan at bagsakan ng smuggled na sasakyan. Umangal na ang mga dayuhang mamumuhunan na car assemblers, pero walang ginawa ang gobyerno.
Sa Abra, Bicol, Leyte at Negros mga mayayamang angkan ang kumokontrol sa kabuhayan at pulitika. Sila na lang nang sila.
- Latest
- Trending