Balut, sikyo at traysikel
Ok din naman itong Party-List system. Dahil dito’y nakinabang ang bayan sa mga mahusay na party list nominee na nakikibahagi sa pagtalakay sa mga mahalagang usaping panlipunan. Sa pagkatao nina Masa, Ocampo, Hontiveros, Rosales, Casino, Noel, Sarmiento, Colmenares, Bello, atbp., naging mas makabuluhan ang debate dala ng kanilang maprinsipyong partisipasyon sa sesyon.
Kung sila lamang ang pagbabatayan, malinaw na tagumpay ang eksperimento ng Saligang Batas sa pagbigay pagkakataon sa mga sektor na walang kakayahang magwagi sa eleksyon na magkaroon ng kahit kaunting representasyon sa Kongreso ng Bayan.
Ok na sana kung lahat ng Party list Congressmen ay katulad nila. Kaso, ang masaklap na katotohanan ay hindi lahat ay tulad nila. Ang ibang party list nominees ay hindi kasing sigasig at madalas ay nagiging kahihi-yan pa sa mga kasamahan at sa sariling sektor na kinakatawan.
Maraming dahilan kung bakit ganito ang realidad. Subalit tayo’y makasisiguro na malaki ang kinalaman dito ng kakulangan ng COMELEC sa pagpapatupad ng party list law, lalo na sa kwalipikasyon ng nominado.
Ayon sa batas at sa Mataas na Hukuman, “not only the candidate party or organization must represent marginalized and underrepresented sectors; so also must its nominees.” Sa ilalim ng Sec. 2 ng RA 7941, ang mga nominado din ay dapat mismong nanggaling sa “marginalized and underrepresented sectors, organi-zations and parties.” Ang intensyon ng Saligang Batas ay malinaw: Mabigyan ng tunay na kapangyarihan ang taong bayan, hindi lamang sa pagsiguro ng mas malaking benepisyo sa ilalim ng batas, kung hindi rin sa pagkakataon na sila mismo’y maging mambabatas.
Sa nakaraang Kongreso, maraming pinalusot ang COMELEC. Una na dito ang kapatid ni First Gentleman Mike Arroyo na tumayong nominee ng mga mamba balut. Ngayong 2010, isa na namang kamag-anak ni Gng. Arroyo ang magpapanggap na kawawa at susubukang makalusot habang ang COMELEC ay nakalingat. Si Mikey Arroyo ay magpiprisintang Tricycle driver at security guard sa kanyang pagnais na makabalik sa kanyang naging teritoryong Kamara.
Kailangang huwag lalatuy-latoy ang COMELEC, lalo na ngayong medyo mataas ang tiwala ng tao sa kanila. Ang partylist sys- tem ay magandang ideya. Sayang kung masalaula ito dahil lamang sa kapa-bayaan.
- Latest
- Trending