Nagbagong-anyo si Hesus
Katumbas ng ikadalawang linggo ng kuwaresma ay ang kapistahan ng Transfiguration of the Lord (Agosto 6). Ito’y isang paalaala sa atin na tayo ay makikipagtipan din sa Diyos katulad ng ating amang Abraham. Ang Panginoon ang ating tanglaw, Siya ang ating kaligtasan. Ipinahayag ni Pablo sa mga taga-Filipos na “gagawin ni Hesukristong maluwalhati ang ating katawang-lupa tulad ng Kanyang katawan”.
Ang panahon ng Kuwaresma ay isang paghihikayat sa atin ng lubusang pagsisisi at pagtatakwil sa lahat ng kasamaan. Ang pagbabagong anyo ni Hesus ay isang pagpapakita sa mga apostoles bilang mga saksi na meron talagang kaharian si Hesus. Sila ang mga “eye witness” at tahasang sinabi ni Pedro: “Narinig namin ito sapagka’t kami’y kasama Niya sa banal na bundok at isang tinig mula sa alapaap na nagsabi: “Ito ang Aking anak, ang Aking hinirang Siya ang inyong pakinggan” (2Pedro1:16-19).
Pagkatapos ipahayag ni Hesus ang tungkol sa kanyang kamatayan ay isinama Niya sina Pedro, Juan at Santiago sa bundok. Habang Siya ay nananalangin nagbagong anyo ang Kanyang mukha, nagningning ang kasuutan at naging puting-puti. Lumitaw sina Moises at Elias at nakipag-usap kay Hesus. Doon nagising sina Pedro. Nabighani siya at kaagad niyang naala-ala ang sinabi ni Hesus na Siya’y ipapapatay ng mga Eskriba. “Guro, mabuti pa ay dumito tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: Isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias”.
Ayaw ni Pedrong batahin ang paghihirap na ipinahayag ni Hesus kaya’t nagmungkahi siyang magtayo doon ng kubol. Kadalasan ay ayaw din nating tamuhin ang mga hirap at pagsubok sa ating buhay. Ayaw nating magsakripisyo bilang pagpapatibay ng ating pagsunod kay Hesus. Pawang kagandahan ng buhay ang ating ninanais. Ang mga pagsubok at problema ng ating buhay ay bahagi ng ating tagumpay.
Ito ay isa ding paalaala sa mga mag-aaral. Magbabakasyon na naman, Graduation Day. Kung nais ninyong makatapos at maka-graduate ay pagsikapan ninyong mag-aral ng mabuti, magsakripisyo at paglabanan ang mga tukso ng computer shop na kadalasan ay nakasisira sa ganap na pag-aaral.
- Latest
- Trending