Bronco naman ngayon
KAILAN lang, pinag-uusapan kung gaano kakawawa ang estado ng Philippine Air Force (PAF) dahil sa kalumaan ng kanilang eroplano. May bumagsak kasing Nomad kaya nalagay sa pagsisiyasat ang PAF. Ngayon, isang eroplano pa ang bumagsak. Isang OV-10 Bronco ang bumagsak sa may Tarlac habang nag-eensayo ang mga piloto nito ng pamamaril ng mga target sa lupa. Namatay ang dalawang piloto ng nasabing eroplano. Nabawasan na naman ang mga magigiting nating piloto, at lalo pang nabawasan ang mga eroplano natin.
Ang OV-10 ay ginagamit natin laban sa mga rebelde. Ang layunin ng eroplanong pandigmang ito ay maghasik ng lagim sa mga kalaban sa lupa, bilang suporta sa mga sundalong nasa lupa rin. Maganda ang disenyo ng eroplano para sa tungkuling kailangang gampanan. Gamit na gamit ng mga Amerikano ito noong gera sa Vietnam. Kaya alam na rin ninyo kung ilang taon na ang mga eroplano. Higit tatlumpu ang nakuha ng bansa mula sa mga Amerikano, at may walo na galing sa Thailand. Mawalang-galang na lang, pero ang pinaglumaan ng ibang bansa ang napupunta na lang sa atin. Wala tayong magagawa, dahil walang budget ang Pilipinas para pagandahin at modernahan ang PAF. Kung wala sanang katiwalian at ang mga namumuno ay laging inaalala ang seguridad ng bansa mula sa mga kalabang dayuhan at lokal, mas maganda sana ang estado ng ating Hukbong Himpapawid ngayon. Napakalayo natin kumpara sa hukbong himpapawid ng mga kapit-bahay na bansa natin. Magagaling ang ating mga piloto. Luma lang talaga ang mga nakukuha nating kagamitang pang-himpapawid.
Kaya ngayon, pinatitigil na muna ang paggamit nung mga natitirang Bronco. Dalawa na lang yata ang natitira. Alam ng mga rebelde ito, kaya siguradong gagawa na naman ng mga insurektong operasyon. Babalik na naman ba tayo sa mga Huey helicopter na napakaluma na rin? Hihintayin na lang ba natin ang susunod na babagsak na eroplano ng PAF? Kaninong pamilya ang sunod na mawawalan ng mahal sa buhay? Kung may pera para sa mamahaling hapunan sa ibang bansa, dapat may pera para gawing ligtas at epektibo ang mga eroplanong pandirigma natin. Panahon na, kung hindi sa administrasyong ito, sa susunod, para bigyan ng pansin ang ating PAF. Susunod na siguro ang hukbong karagatan, na puro luma na rin ang ginagamit na barko, panahon pa ng World War II at giyera sa Vietnam!
- Latest
- Trending