Babad sa kalye o sa session?
KUNG ikaw ay isang halal na opisyal na ang pangunahing tungkulin ay ang gumawa ng mga batas o ordinansa para sa kanyang nasasakupan, ano ang mas pag-uukulan mo ng panahon? Ang pagbababad sa distrito upang matugunan mo ang mga pangangailangan ng botante o ang pamamalagi sa tanggapan para mabigyan ng sapat na atensyon ang paggawa ng makabuluhan na lehislasyon para sa mas nakararami?
Kung tatanungin natin ang mga botante, karamihan ay boboto sa palagi nilang nakikita at napupuntahan kapag nangangailangan. Kaya naman, nagiging mas prayoridad ng ilang opisyal ang mag-ukol ng yaman at atensyon sa pagtugon ng mga araw-araw na pangangailangan ng mga mamamayan. Sa ganitong paraan nga naman sila makikilala ng tao upang sila ay iboto.
Ano ba ang sukatan ng pagiging isang mabuting mambabatas? Sa Kongreso maging sa mga lokal na konseho, ipinagmamalaki ang popular na pagkakapanalo. May ilang “landslide winners” o number 1. Pinagmamalaki naman ng iba ang kanilang “perfect attendance”. Ang iba, ang dami ng batas na naihain at meron ding napupuri dahil sa halaga at tulong ng mga batas na kanilang ipinatupad. Sa mga sukatan na ito, bihira na mapupuro ito ng iisang opisyal. Kadalasan, ang maraming nakukuhang boto ang may pinaka-kaunting batas na naihain o kaya naman ang may perpektong attendance ay halos sumabit lang sa pagkapanalo.
Sa kagustuhan na tumagal ang panahon ng pagsisilbi ay mas nabibigyang atensyon ang pagpapalawak ng popularidad. Ang nakakalimutan ng opisyal at pati na rin ng botante ay (1) kung bakit sila pinadala sa Kongreso o Konseho at (2) kung gaano kalaki ang ginagastos ng taumbayan para sa kanila at sa kanilang mga tanggapan. Hindi biro ang budget na inilalaan ng kaban ng bayan kada mambabatas. At ang kapangyarihang bitbit ng pagkapuwesto ay talagang mabigat, lalo na kung abusuhin.
Kanya-kanyang katwiran ang paghangad ng manungkulan at ang pagpili ng pagkakatiwalaan. Sa mga may karanasan na sa pagtakbo at sa pagboto, maganda siguro na sa pagkakataong ito’y muling sariwain ang ginagamit na batayan nang sa gayon ay makatulong na gawing mas makabuluhan ang demokrasya.
- Latest
- Trending