TUMITINDI ang paggigiit ng Malacañang na, miski may constitutional ban, maari at magtatalaga nga si Gloria Arroyo ng bagong Chief Justice pagretiro ni Reynato Puno sa Mayo 17. Tinutuya pa ni Executive Sec. Eduardo Ermita ang mga kumokontra na dalhin na lang ang isyu sa Korte Suprema. Tila nagmamalaki siya na mas maraming justices na loyalista ni Arroyo kaysa mga independiyente mag-isip. Babaliktarin nga kaya nila ang matagal nang pasya, para lang pagbigyan si Arroyo?
Solido ang mga desisyon kontra sa midnight appointments ng isang papaalis nang Presidente. Pinaka-huli ang pagbasura ng Korte Suprema sa pagtalaga ni President Fidel Ramos ng dalawang bagong huwes nu’ng Marso 30, 1998. Apat na Chief Justices ang kumatig sa desisyon. Si noo’y-CJ Andres Narvasa mismo ang nag-ponente sa desisyon. Tinukoy niya ang Article VII, Section 15 ng Konstitusyon na nagbabawal sa Presidente na magpuwesto ng sinomang opisyal mula dalawang buwan bago mag-presidential election hanggang matapos ang termino sa Hunyo 30. Sumang-ayon si noo’y-Justice at naging CJ Hilario Davide; siya mismo ang umakda ng probisyong iyon bilang kasapi ng 1986 Constitutional Commission. Kumatig din sina noo’y-Justices, at itinalagang CJ ni Arroyo, Artemio Panganiban at Reynato Puno.
Oo nga’t may ibang probisyon din na nagsasabing dapat punuan ng Presidente ang anomang bakante sa Korte Suprema sa loob ng 90 araw. Pero hindi ‘yon puwede kapag paalis na siya. Ang anim na taon na panunungkulan ng isang Presidente ay binubuo ng 2,190 araw. Ang pagbabawal ng anomang appointments dalawang buwan bago mag-presidential elections hanggang pagtatapos ng termino ay binubuo naman ng 111 araw. Kaya meron siyang 2,079 araw para italaga kahit sino ang naisin. Nawawalan ng bisa ang probisyon sa huling 111 araw ng termino.
Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com