KASO ito ng kompanyang SMP na gumagawa ng mga sakong polystyrene. Nagdeliber ito ng 4,000 sako sa kompanyang CMP na nagkakahalaga ito ng $118,500 o P3,096,105. Sakop ito ng mga resibo kung saan nakasaad na sagutin ng CMP kung mawala man o masira ang kargamento habang nasa biyahe. Binayaran ng post-dated na tseke ng CMP ang SMP. Nagbigay naman ng pansamantalang resibo ang sales executive ng SMP na si Maritess pero nakasulat sa resibo na nananatiling pag-aari ng SMP ang materyales hanggang hindi pa nababayaran ang mga tseke. Nang ideposito ng SMP ang mga tseke, tumalbog ang mga ito sa dahilang wala na palang pondo sa banko ang CMP o “account closed”.
Samantala, idinemanda rin ng bankong FEBTC ang CMP upang mabawi ang perang hawak nito. Hiningi rin ng banko na makuha sa pamamagitan ng writ of preliminary attachment ang anumang ari-arian ng kompanya. Pinagbigyan ng korte ang petisyon ng banko at kasamang nakuha ang 4,000 sako na pagmamay-ari ng SMP. Nagsumite ng salaysay (affidavit of third party claim) ang SMP bilang patunay na ito ang may-ari ng mga materyales ngunit hindi ito ibinalik sa kanila dahil nagbayad ng piyansa (indemnity bond) ang FEBTC. Pinayuhan na lang ng korte na magsampa ng kaso ang SMP alinsunod sa batas (Section 17, Rule 39, Rules of Court).
Nagkaroon ng desisyon pabor sa FEBTC at laban naman sa CMP. Naging pinal ang desisyon at ipinatupad laban sa mga ari-arian ng CMP kasama pati ang 4,000 sako. Idinemanda ng SMP ang FEBTC upang mabawi ang 4,000 sako at humihingi rin ito ng danyos para sa maling pagkumpiska ng kargamento. Hindi naman daw CMP kundi ang SMP ang may-ari nito.
Ayon naman sa FEBTC ay binili na ng CMP ang mga kargamento, patunay dito ay ang mga resibo (delivery receipts) na nakasaad na “free on board” kayat ibig sabihin, nalipat na ang pagmamay-ari nito mula sa SMP papuntang CMP. Tama ba ang banko?
MALI. Upang malinawan kung ano ang tunay na intensiyon ng magkabilang panig, dapat maintindihan muna kung ano ang ipinagkaiba ng kontrata ng bentahan (contract of sale) at ng kontrata na nag-aalok ng ibinebenta (contract to sell). Sa kontrata ng bentahan, nalilipat ang pagmamay-ari ng isang bagay mula sa nagbenta pupunta sa pinagbentahan sa oras na dalhin ito sa huli. Sa pangalawang kontrata, sa pamamagitan ng kasunduan ng dalawa, nananatiling pagmamay-ari ng nagbebenta ang bagay hanggang hindi pa ganap na nababayaran ng bumibili.
Sa kasong ito, ang pagmamay-ari sa mga kargamento ng GPS ay nananatili sa SMP hanggang hindi pa nababayaran ang mga tse-ke. Ang ebidensiya nito ay ang pansamantalang resi-bo na ibinigay ng SMP sa CMP. Malinaw na ang kasunduan ng dalawang kompanya ay kontrata na nag-aalok ng ibinebenta o contract to sell alinsunod sa ating batas (Act. 1478 Civil Code).
Kahit pa may nakasulat na “free on board” o “FOB” sa resibo kung saan nakasaad na sagutin ng CMP kung mawala o masira ang kargamento habang nasa biyahe, hindi pa rin nito nababago ang kontratang pinasok ng dalawang kompanya. Maaaring sabay na umiral ang dalawang kondisyones at mananatiling pagmamay-ari ng SMP ang mga kargamento hang-gang hindi pa nababayaran ng CMP. (BPI etc. vs. SMP Inc. G.R. 175466, December 23, 2009).