Dapat sulatan ang nagsasaka
KASO ito ng dalawang lupang sakahan na may sukat na 2.5773 at 2.0651 ektarya. Sakop ang lupa ng orihinal na titulo bilang (OCT) 4146 at 4147 na nasa pangalan ng mag-asawang Dencio at Flora at nakasangla sa banko sa halagang P30,000. Si Dario ang nagsasaka sa dalawang lupa bilang tenant.
Dahil hindi nakabayad sa utang, nailit ng banko ang lupa ng mag-asawa at ibinenta sa public auction noong Hulyo 8, 1992. Si Rosa ang nakabili bilang highest bidder. Nang matapos ang palugit na panahon at hindi matubos ng mag-asawa ang mga lote, kinansela ang orihinal na titulo ng mga lupa at naglabas ng mga bagong titulo sa pangalan ni Rosa. Ibinenta rin ni Rosa ang mga lupa kay Mila noong Setyembre 13, 1993 at nagkaroon ang babae ng titulo sa pangalan niya.
Noong Setyembre 29, 1994, nagsampa ng reklamo sa korte sina Dencio, Flora at Dario laban sa banko upang maipawalang-bisa ang pagkakasangla at pagkakabenta sa lupa. Noong Hunyo 16, 1997, habang nakabinbin pa ang kaso, nagsampa naman si Dario ng reklamo sa DARAB (Department of Agrarian Reform Adjudication Board) Region X laban kina Rosa at Mila upang matubos niya ang lupa (legal redemption with preliminary injunction).
Noong Setyembre 16, 1997, hindi pinagbigyan ng Regional Director ng DARAB ang hinihinging pagbawi ng lupa ni Dario. Lampas na raw ang palugit na ibinibigay ng batas dahil ipinagpapalagay na nang nagsampa ng reklamo sa korte si Dario ay may alam na siya sa naganap na bentahan o may “constructive notice” na siya sa nangyari kaya’t paso na ang ginawa niyang pagsasampa ng reklamo sa DARAB noong Hunyo 16, 1997. Tama ba ang Regional Director?
MALI. Ayon sa batas (Section 12 Agricultural Land Reform Code [RA 3844 as amended by RA 6389], binibigyan ang nagsasaka ng lupa o ang “tenant” ng karapatan na tubusin ang lupa sa loob ng 180 araw mula sa pagkakatanggap niya ng sulat o “written notice” galing sa nagbebenta ng lupa at mula sa pagka karehistro ng bentahan ng lupa. Ang written notice ay dapat ipadala sa lahat ng apektadong tenant at sa mismong Department of Agrarian Reform. Ang kondisyon na ito ay nasa batas at hindi maaaring balewalain. Malinaw sa kaso at aminado ng magkabilang panig na walang natang- gap na written notice si Dario o maging ang Department of Agrarian Reform (DAR) kaya hindi pa na- wawala ang karapatan ni Dario na tubusin ang lupa kahit pa sabihin na may alam na siya sa naganap na bentahan (Po and Mutia vs. Dampal, G.R. 173329, December 21, 2009).
- Latest
- Trending