Erap sa May election
“ERAP Estrada for President at Jojo Binay for Vice President sa eleksiyon sa Mayo!” ang nagbubunying sigaw ng mahigit 15,000 katao na dumagsa sa makasaysayan at matagumpay na proclamation rally ng Pwersa ng Masang Pilipino-United Opposition (PMP-UNO) noong Pebrero 9 sa Plaza Miranda, Quiapo, Maynila.
Ang naturang pagtitipon ay pormal na pagprisinta ng mga opisyal na kandidato ng PMP-UNO para sa eleksiyon. Malakas ang palakpak ng pagsang-ayon ng mga dumalo nang ilahad ng tambalang Erap-Jojo ang plataporma ng partido, laluna ang pagbabalik sa taumbayan ng kapangyarihang inagaw ng ilang elitistang nagsabwatan at nagmanipula ng mga batas ng bansa upang maghari-harian sa ating lipunan.
Muli ring umalingawngaw ang malakas na palakpakan ng mga tao nang inihayag naman ang senatorial slate ng partido sa pangunguna ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada at ni Senate President Juan Ponce Enrile.
Kabilang din sa naroon na mga kandidato ng PMP-UNO sa pagka-senador sina dating senator Francisco Tatad, Agusan congressman Rodolfo Plaza, Jose de Venecia III, dating congressman Apolinario Lozada Jr., dating Sanlakas partylist representative JV Bautista at dating Court of Appeals Justice Regalado Maambong. Si Brig. Gen. Danilo Lim, na kasalukuyang nakapiit sa Camp Crame dahil sa bintang na kudeta, ay kinatawan ng kanyang anak sa pagtitipon.
Ayon kay Erap, ang pagtitipong iyon ay makasaysayang hudyat ng pagkilos – at pagtatagumpay – ng taumbayan laluna ng masang Pilipino sa muling pagluklok ng presidente na tunay na magtataguyod ng interes ng mamamayan.
Aniya, ang kapangyarihan ay kailangan nang bawiin mismo ng taumbayan sa pamamagitan ng darating na eleksyon, at protektahan upang hindi na muling maagaw ng mga tao at grupo na tanging pansariling interes ang iniintindi.
Idineklara ni Erap ang ibayo pang paglilingkod sa bayan, laluna sa aspeto ng kaunlaran, peace and order, demokrasya at mga batayang serbisyong panlipunan. Hindi magkamayaw ang mga dumalo sa sabay-sabay nilang pagsigaw na” “Kung may Erap, may ginhawa!”
- Latest
- Trending