Kahulugan ng hustisya
PINAIIKUT-IKOT ng Malacañang spokesmen ang isyu. Kesyo raw hindi hustisya kundi benggansiya ang hangad ng mga presidential candidates na nagbabalak tugisin si Gloria Macapagal Arroyo dahil sa katiwalian. At kesyo raw hahadlang sa kaunlaran ang sinomang bagong Presidente na gagawa nito, dahil paatras imbis na pasulong ang direksiyon.
Pero hindi maikakaila ang katotohanan. Sa kasaysayan, ang mga bansang nagpaparusa sa masasamang pinuno ay mas tumutulin ang pag-unlad. Ito’y dahil ang paghabla, paglitis at pagkulong sa mga nang-abuso ng kapangyarihan ay nagtatakda na mas mataas na pamantayan para sa mga sumusunod na lider. Sa England ugali ng mamamayan na pugutan ang hari o reyna kapag pinabagsak; sila ang pinakamalakas na ekonomiya ngayon sa buong mundo. Sa Korea nagkulong sila ng dalawang Presidente na napatunayang nangulimbat; sila naman ang pinakasulong na bansa sa Asya. Sa Pilipinas kung saan ang hustisya ay nakakamit sa suhulan at palakasan, paatras ang ekonomiya, at milyon-milyong pamilya ang nagugutom.
Maraming bahagi ang hustisya. Ang parusa ay benggansiya ng biktima sa kriminal. Ang pagkukulong ay pag-iingat ng lipunan laban sa kriminal na maaring umulit. Pero ang wastong pagtrato sa bilanggo at ang pag-iwas sa malupit na parusa ay para ma-rehabilitate ang kriminal, at maibalik sa tamang landas. At ang parole at pardon ay pagpapatawad sa nagkasala.
Lahat ’yan, pakay ay closure, upang umusad ang lipunan. Lahat ‘yan, nasa mga aklat tungkol sa criminal at social justice.
Pinapanukala ni Alexander “Pinoy” Lacson, kandidatong senador ng LP, na litisin si Arroyo sa publiko tulad ng Nuremberg Trial ng mga mamamatay-taong Nazis matapos bumagsak ang Hitler Germany.
* * *
Lumiham sa jarius [email protected]
- Latest
- Trending