'Saksakan ng yabang'
IPINAABOT NAMIN sa tanggapan ni Mandaluyong Mayor Benjamin Abalos at sa kanyang assistant na si Jimmy Isidro ang tungkol sa isang BASTOS na traffic enforcer ng primyadong lunsod na ito na si LEYNALDO SANTOS.
Itong mayabang na KULANGOT na ito sa si Leynaldo Santos ay pinapunta nitong si Isidro sa aming tanggapan upang ibigay ang kanyang panig ukol sa pagkakabaril niya sa isang buntis ng siya umano ay namamaril ng ibon.
Ang tangang ito sa halip na ibon ang tamaan yung pobreng buntis ang tinarget. (Kundi ba tanga bakit tao ang tinamaan?)
Dumating ito sa aming tanggapan na kahit kami ay nagtataping at nasa loob ng booth bigla na lamang pumasok at hindi man lang kumakatok
“Pinapunta ako ni Jimmy Isidro. Ako si Leynaldo Santos,” lakas ng boses na sinabi nito.
Wala siyang pakialam kung merong ibang taong nauna sa kanya
basta’t mauna lamang siya. Sinabihan ko siya na tatapusin lang namin ang taping at mag-antay muna siya sa aming opisina.
Pagpasok ko sa aking opisina sinabihan ko siyang umupo sa silya at ang tangang ito ay sumagot, “Saan ako uupo?” Kundi ba tanga itong si kulangot, eh dalawang silya ang nasa harapan ng lamesa ko. Maliwanag na kahit saan sa dalawa maari siyang umupo. Baka gusto naman niya sa upuan ko umupo.
Sa harap ng aming staff na sina Monique Cristobal, Den Viana at Aicel Boncay naglitanya itong si kulangot at buong tapang na inamin niya na tinamaan niya yung buntis.
Nang sabihin ko ng baka maaring pag-usapan na lamang nila ang problema dahil “financial assistance” ang kailangan ay nag-alsa boses ito na nagsasabi na idemanda na lamang siya nung nabaril niya.
Ipinaliwanag din ng aming staff na dahil ito ay naitampok sa aming radyo program na “Hustisya para sa lahat” sa DWIZ 882khz at para patas baka naman gusto niyang magbigay ng kanyang panig at nag-init na naman itong si kulangot na Leynaldo Santos. Uminit ang kanyang ulo at nag-alsa boses na hindi na raw niya kailangan magradyo pa.
Sinabihan kong huwag siyang sumigaw at kung ayaw niyang magpaliwanag maari na siyang umalis ng aking opisina mas lalong nagalit itong si Santos at mayabang na sinabi na, “Bakit ako aalis eh nagpapaliwanag pa ko! Kaya nga ako pinapunta ni Jimmy Isidro dito!”
Sa puntong ito kinailangan ko ng tumayo upang lapitan at palabasin itong si Leynaldo “kulangot” Santos at nang makita niyang papalapit na sa kanya para palang asong nabahag ang buntot at mabilis na umiskerda mula sa aming tanggapan.
Tinawagan ko si Jimmy Isidro upang tanungin kung ano ba itong pinadala niya sa aming tanggapan. Bakit meron kayong mga ganitong tao sa inyong payroll na dapat dito ay sinisipa agad.
Makakasira ito sa administrasyon ni Abalos sa Mandaluyong.
Kung ganito umasta ito sa aming tanggapan nakakatakot isipin kung gaano ka tapang ito sa lansangan ng Mandaluyong dahil meron siyang kapangyarihan dahil “traffic enforcer” itong kulangot na ito.
Nangako si Jimmy Isidro at pati na rin si Mayor Abalos na aaksyunan nila itong reklamong ito. Tignan ko nga kung gagawin niyo yan o baka naman pangako lamang yan.
Kaya mayabang itong kulangot na traffic enforcer ay dahil nabilog niya ang ulo nitong si Jimmy Isidro na para bang siya ang nadedehado sa insidenteng pagkakabaril sa buntis.
Teka, Mr. Isidro, sino ba ang nasaktan? Hindi ba’t inaamin nitong si Leynaldo Santos na siya ang nakabaril?
Ano ba ang detalye ng insidente ng pagkakabaril sa buntis na babae. Ulitin nga natin ang buod.
Si Maria Luz Sombero, 37 taong gulang ng Antipolo City. Tubong Bacolod City si Maria Luz alyas “Gamay”.
Hulyo 5 2009 bandang alas otso ng umaga habang nagtatanim si Gamay nakarinig siya ng isang malakas na putok. Naramdaman niyang may malakas na matigas na bagay na tumama sa kanyang balagad o “collar bone.”
PUTOK ang narinig at ang sabi nitong si Santos ang ginamit daw niya ay isang ordinaryong air gun. Bakit may narinig na putok? Baka naman caliber .22 ang gamit mo mamang kulangot ng traffic enforcer.
Lumapit sina Leynaldo Santos, bisita ng kapitbahay niyang si Noel Hararin.
Sinabi umano ni Eugenio na si Leynaldo o “Ley” ang nakabaril kay Gamay. Namamaril ito ng ibon ng lumusot sa kawayan ang bala papunta sa kinatatayuan ni Gamay.
Aminado itong si Ley na siya ang nakabaril kay Gamay kaya’t sumama siya papunta sa Manila East Hospital, Taytay.
Kinailangan turukan si Gamay ng ‘anti-tetanus’ bago pa kumalat ang impeksyon sa kanyang dugo.
Nilipat si Gamay sa Mandaluyong Hospital, malaki kasing ‘discount’ ang makukuha ni Ley dito dahil dito siya nagtatrabaho bilang isang ‘traffic enforcer’ subalit walang espesyalistang maaring magtanggal ng bala ng mga panahong iyon kaya’t nilipat si Gamay sa Philippine General Hospital (PGH).
Nagpadala ng mga gamot itong mayabang na traffic enforcer subalit mga ‘paracetamol, biogesic at ‘ ampycillin.”
Pilit umano itong pinapainom ni Leynaldo kay Gamay. Ito raw ang reseta galing sa PGH. Hindi basta nagtiwala si Gamay dito kay Ley kaya’t pumunta siya sa PGH at dinala ang mga gamot upang ipasuri kung pwede itong inumin ng buntis.
“Pinagalitan ako ng doktor, pabaya daw ako’t hindi basta basta ang pag-inom ng gamot. Makakasama raw ito sa bata... buti nalang di ko ininom ang gamot,” pahayag ni Gamay.
Nangako si Ley na magbibigay ng Php1,000 na sustento kada buwan pambili ng gamot subalit makalipas ang isang buwan hindi na umano ito nagpakita.
Itong mayabang na si Leynaldo Santos ay halatang pinatagal at pinaasa ang nabaril niyang buntis para lumipas ang prescription period nag pag-file ng “Reckless Imprudence Resulting to Physical Injuries.”
Ipinaabot namin kay Mayor Abalos ang kasong ito at nangako nga si Isidro na aaksyunan nila. Baka naman merong ipinagmamalaki itong kulangot na ito na pakiramdam niya “above the law” na siya!
Huli naming nakausap itong si Isidro sinabi niya na siya ang bahala ditto kay Santos. Ganun din itong si Mandaluyong Mayor Abalos na ipatatawag niya itong si kulangot na Santos.
NANINIWALA kami sa integridad nitong si Mayor Abalos at pati na rin kay Jimmy Isidro na hindi nila kukunsintihin ang gantong ugali ng tauhan nila sa munisipyo!
Para sa inyong reaksyon at sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landLine ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Bukas din ang aming tanggapan tuwing Sabado mula 8:30AM-12NN. Maari din kayong tumawag sa aming 24/7 hotline sa numerong 7104038.
* * *
Email: [email protected]
- Latest
- Trending