EDITORYAL - Huwag lang tubig ang tipirin, pati gas at kuryente
IPINAG-UTOS na ni President Arroyo ang pagtitipid sa tubig. Naalarma sa banta ng El Niño. Pero sana ay isinama na rin niya ang pagtitipid sa gasoline at kuryente. Sunud-sunod na ang nangyayaring brownout hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa probinsiya. Ang petroleum products ay patuloy naman sa pagtataas ng presyo. Baba-taas-baba ang gasolina, diesel at liquefied petroleum gas (LPG). Kaya dapat paigtingin ng gobyer-no ang pagtitipid hindi lamang sa tubig kundi pati na rin sa gasoline at kuryente. Noong isang araw, ipinag-utos na ng Malacañang ang pagtitipid sa tubig dahil nakaamba na ang krisis dahil sa pananalasa ng El Niño phenomenon. Ang water level sa Angat Dam ay patuloy sa pagbaba. Sabi ng PAGASA, magiging matindi ang init sa Abril at aabot hanggang Hunyo.
Ang pagtitipid ay naiisip lamang kapag nakasakmal na ang krisis. Ganito lagi ang style at wala nang pagbabago pa. Sa mga nakaraang amba ng krisis sa enerhiya, ang gobyerno ay naglulunsad ng kampanya para makapagtipid mapa-kuryente man o gasolina. Inatasan ang mga taong gobyerno na huwag nang gumamit ng mga sasakyang malakas lumaklak ng gasolina at sa halip ay mag-LRT o mag-MRT na lamang. Ipinag-utos na patayin ang mga ilaw kapag breaktime. Huwag nang gumamit ng aircon at electric fan na lamang. Pero ang pagtitipid sa gasoline at kuryente ay ningas-kugon lamang. Kapag inakala na ang presyo ng gasoline, diesel at LPG ay nagsimula nang bumaba, agad nakakalimutan ang pagtitipid. Ang mga opisyal ng gobyerno ang nangunguna para gamitin muli ang sasakyan nilang malakas lumaklak ng gasolina. Nalimutan na ang pagtitipid at balik sa pagwawaldas.
Ang gobyerno ang dapat magpakita ng halimbawa. Sila ang manguna sa pagtitipid nang buong sigasig at hindi yung pakitang tao lamang. Ipatu-pad kung ano ang kautusan ukol sa pagtitipid. Madali namang tatalima ang taumbayan kung ang pamahalaan ay nagpapakita ng halimbawa.
- Latest
- Trending