EDITORYAL - Magtipid sa tubig
BUMABABA ang level ng tubig sa Angat Dam at maging sa Magat Dam. Ang tubig na nanggagaling sa Angat ang nagsusuplay sa Metro Manila at mga karatig na probinsiya. Ang Magat Dam ang nagsusuplay ng tubig sa mga bukirin sa Central Luzon. At dahil nga nararamdaman na ang El Niño phenomenon, maaari pang bumaba nang bumaba ang level ng tubig sa mga reservoir. Ayon sa mga eksperto, mararamdaman nang todo ang init sa Abril at maaaring tumagal hanggang Hunyo.
Ipinag-utos na ni President Arroyo sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na magtipid sa tubig. Nakaamba na umano ang krisis kaya nararapat na magtulungan ang lahat para makapagtipid sa tubig. Sabi ni Presidential Deputy Spokesman Ricardo Saludo, na pangungunahan ng pamahalaan ang pagtitipid sa tubig pero dapat din namang makipagtulungan ang mamamayan.
Ang pamahalaan ang dapat magpakita ng halimbawa sa pagtitipid hindi lamang sa tubig kundi pati sa kuryente. Kung makikita ng mamamayan na nag-aaksaya ang mga nasa pamahalaan, hindi magiging epektibo ang kampanya. Sa Maynila na lamang, kahit araw ay may nakasindi pang mga ilaw sa kalye. Hindi ba ito nakikita ng mga opisyal ng Maynila at maipagbigay-alam sa Meralco. Malaking pag-aaksaya ang ganito na buong maghapon at magdamag ay nakabukas ang ilaw.
Unang dapat atasan ng pamahalaan ay ang Maynilad at Manila Water. Ang dalawang kompanyang ito ang namamahala sa pagbibigay ng tubig sa customer. May mga ilang lugar sa Metro Manila na naaaksaya ang tubig dahil maraming sirang tubo at walang patid ang tagas ng tubig. Mayroong pumupulandit ang tubig sa kalsada dahil aksidenteng tinamaan ang tubo at hindi naman agad makumpuni ng Maynilad o Manila Water. Dapat maging maagap ang dalawang kompanya sa mga sirang tubo para hindi masayang ang tubig.
I-monitor ng Malacañang ang mga ahensiya ng pamahalaan kung ang mga ito ay lubusang sumusunod sa kampanyang magtipid. Baka naman ang mamamayan lamang ang kuntodong nagtitipid at ang mga taong gobyerno o mga opisyal ay walang hinayang kung gumamit ng tubig. Baka habang nagtitipid ang mamamayan ay marami namang opisyal ang nag-aaksaya.
Siguruhin ng Malacañang na hindi nasasayang ang kanilang pagdirektiba lalo’t nakaamba ang krisis sa tubig.
- Latest
- Trending
















