MULA 2008, tatlong sunud-sunod na malalagim na aksidente ang kinasangkutan ng mga eroplano ng Philippine Air Force na kumitil na nang maraming buhay. Noong Agosto 2008, isang C-130 plane ang bumagsak sa Davao Gulf at 13 pasahero kabilang ang piloto at co-pilot ang namatay. Noong Abril 2009, isang presidential helicopter ang bu magsak sa Mountain Province na ikinamatay lahat ng walong pasahero kabilang si Press undersecretary Jose Capadocia. Noong Huwebes, isang Nomad plane ang bumagsak sa isang residential subdivision sa Cotabato at namatay ang walong sundalo ng Air Force kabilang ang isang heneral. Namatay din ang isang sibilyan na nasa bahay na binagsakan ng Nomad.
Sa mga nakaraang taon ay marami pang trahedya ang kinasangkutan ng mga eroplano at helicopter ng PAF. Isang Huey helicopter na kinalululanan ng isang Phivolcs official ang bumagsak ilang taon na ang nakararaan. Isa pang Huey ang nagkaroon ng aberya at nag-emergency landing sa isang bukirin. Sakay ng helicopter ang isang TV reporter at iba pa. Wala namang namatay sa insidente.
Ang Nomad plane na bumagsak sa Cotabato ay binili sa Australia noong 1975. Umano’y may tatlong Nomads ang PAF. Mula 1975 ay masyado nang naging abala ang mga eroplanong ito. Walang tigil sa kalilipad. Ngayon ay hukluban na ang Nomad sa edad na 35. Hindi na dapat paliparin. Pero dahil wala namang ibang eroplano ang PAF, pinag-aari pa ang Nomad. Isang kaso pa lamang umano ng Nomad ang naitala bago ang pagbagsak noong Huwebes. Nangyari umano noong 2005 kung saan ay sumadsad ang Nomad sa isang beach sa Zamboanga City. Pilot error umano ang dahilan sapagkat maraming karga ang eroplano. Dahil sa nangyari hindi na pinalipad ang Nomad.
Nangangailangan na ng mga modernong eroplano ang PAF. Kawawa naman ang PAF na ang mga eroplano ay kakarag-karag at maituturing na “lumilipad na mga kabaong”. Dapat mag-allocate ang Kongreso ng budget sa military para makabili ng mga bagong eroplano.