EDITORYAL - Hagupitin, nagbebenta nang mahal na asukal
NATUTULOG ba ang Department of Trade and Industry (DTI) at ang Department of Agriculture (DA) at hindi nila namomonitor ang galaw ng presyo ng asukal? Nagiging abala na ba ang mga pinuno ng dalawang ahensiya dahil sa papalapit na election kaya hindi na nasusubaybayan ang presyo ng asukal na umabot umano sa P110.00 bawat kilo. Yes! Ang presyo ng asukal na ibinibenta sa Basco, Batanes ay umabot ng P110.00. Mahirap paniwalaan pero ‘yan ang totoo.
Sabi ng mga may-ari ng tindahan sa Basco, ang asukal na kanilang itinitinda ay nagmula pa sa Tuguegarao, Cagayan at dinadala pa roon ng eroplano. At dahil mahal umano ang freight sa eroplano (P50 freight) ay kailangan niyang mahalan din ang presyo ng kanyang tinda. Iyon daw ang dahilan kaya P110.00 ang bawat kilo ng asukal. Isang linggo nang walang mabiling asukal sa mga tindahan sa Batanes. Ang National Food Authority (NFA) sa lugar na iyon ay nawalan ng stocks at sabi ng employee ay hindi raw nila alam kung kailan darating ang supplies mula sa Maynila.
Sabi ng DA at DTI ang suggested retail price (SRP) ng asukal ay P52.00 bawat kilo. Kapag sumobra raw sa halagang takda ang pagbebenta ng mga tindahan ay ireport daw sa kinauukulan at agad na aaksiyunan. Hindi raw patatawarin ang mga tindahang nag-ooverpriced ng asukal. Magiging matigas daw ang DA at DTI sa paglatigo sa profiteers ng asukal. Hindi raw nila patatawarin ang mga mapagsamantala.
Hindi dapat na magbanta lamang ang DA at DTI sa profiteers ng asukal kundi dapat silang gumamit ng “kamay na bakal” laban sa mga mapagsamantala. Kapag napatunayan na kasangkot sa profiteering, ay dapat na kasuhan at agad na itapon sa kulungan.
Walang kasingsama ang ginagawa ng mga negosyante na itinatago ang kanilang asukal at saka ibibenta sa mahal na presyo. Doble-doble na ang kanilang kinikita ay masyado pang minamahalan. Nasaan ang kanilang konsensiya.
“Aserong Kamay” ang gamitin para naman matakot at hindi na gumawa ng kasamaan ang profiteers. Hagupitin sila!
- Latest
- Trending