KUNG pagtatagpi-tagpiin ang salaysay ng mga testigo at resulta ng paraffin test sa bala at baril ni Jason Ivler, siya na nga ang lumalabas na pumatay sa anak ng Malacañang official dahil lamang sa away-trapiko. Hindi pa naman isinusuko ni Marlene Aguilar-Pollard ang karapatang pantao kuno ng anak laban sa National Bureau of Investigation. ‘Yan ang damdamin ng isang ina sa kanyang anak. Handang saluhin ang libong bala mailigtas lamang ang pinaka-mamahal na anak.
Matigas ang paninindigan ni Marlene na nilabag umano ng NBI ang karapatan ng kanyang anak nang tratuhin na parang baboy habang naka-posas ang dalawang kamay nang ilabas sa # 23 Hillside Avenue, Blue Ridge Subdivision, Quezon City. Halatang gumagawa pa rin ng paraan si Marlene para makalusot ang kanyang anak sa pagkakalaboso. Sa ngayon matunog ang usap-usapan sa NBI na walang tiwala si Marlene sa batas sa ating bansa. Nanawagan siya sa US na makialam sa kinasapitan ng kanyang mahal na anak. Kukunsintihin naman kaya ng US si Ivler gayung mga walang kalaban-labang Pinoy ang kanyang pinatay dahil lamang sa simpling traffic altercation lamang?
Ito namang si Marlene dahil sa sobrang pagmama-hal sa anak, nagawa niyang itago kaya kinasuhan siya ng obstruction of justice. Kung noon pa niya isinuko si Ivler hindi na sana humantong sa barilan. Hindi na rin sana nakaladkad ang kanyang kapatid na si Freddie Aguilar sa gusot.
Habang nagpapagaling si Ivler sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) inihahanda na niya ang reklamo sa Commission on Human Rights (CHR) sa pambababoy ng NBI sa anak na si Ivler. Palusot lang kaya ito ni Mar lene para ma-technical ang mga ahente ng NBI? Kung katigan man ng CHR ang apela ni Marlene makatitiyak kaya siya na makalulusot ang kanyang anak?
Kaugnay nito, ni-releive na ni PNP chief Jesus Ver-zosa at NCRPO chief Roberto Rosales ang 37 pulis matapos malusutan ng NBI.