'Mga angel na may sungay'
MGA laman ng lansangan na ang kanilang bubong ay ang langit at ang kanilang sahig ay ang malamig na simento. Sila ang mga tinaguriang mga batang kalye. Anong kagandahang asal ang kanilang matututunan sa konkretong gubat kung saan gulang at panlalamang sa kapwa ang kailangan upang ikaw ay mabuhay.
Ganito ang buhay na kinamulatan at kinalakhan ng taong lumapit sa aming tanggapan na si Elvira Espedido o “Elvy”, 47 anyos ng San Pablo, Laguna.
Humingi siya ng tulong kung anong nararapat gawin sa tatlong anak niyang dalagita na umano’y napapabarkada’t nalululong sa bisyo.
Maagang na biyuda si Elvy sa kanyang asawa.
Mga binatilyo na ang tatlong anak na lalaki ni Elvy ng mamatay ang kanyang mister habang ang tatlong Maria naman niya’y maagang naulila sa ama sa edad na lima, apat at tatlong taon. Sinikap ni Elvy na tumayong ama sa kanyang mga anak. Nagtinda siya ng sa malamig, candy, magazine sa labas ng nakabibinging sabungan sa San Pablo.
Lumaking maayos ang mga anak na lalaki ni Elvy. Ang naging sakit sa ulo umano ni Elvy ay ang kanyang tatlong anak na babae. Dahil menor de edad, pinrotektahan namin sila at tinago sa pangalang, “Den” 15 anyos, “Aice”, 13 taong gulang at ang bunsong si “Monika”, dose anyos.
Ayon sa kanilang ina, sa murang edad ng mga ito’y napabarkada ang mga dalagita sa mga tambay sa kanilang lugar. Natuto itong uminom ng alak at manigarilyo. Kung sinu-sino rin umanong lalaki ang naging karelasyon ng mga ito.
Bata palang ang tatlo’y namulat na sila sa isang buhay na puno ng bisyo.
Halos lahat ng paraan ginagawa ni Elvy para hindi magutom ang kanyang pamilya. Tuwing hapon nagtitinda siya ng tinapa.
Kinumbinsi ni Elvi sila Den na mag-aral. Nasa Grade VI palang umano ang kanyang panganay ay nagloloko na ito sa pag-aaral.
“Walang hilig pumasok sa eskwela si Den. Si Aice puro lalake ang iniisip. Ang bunso ko nagagaya sa kanilang ate hindi na rin nagpapapasok. Malakas mamitik ng mga gamit na di sa kanya,” sabi ni Elvy.
Nagbibingi-bingihan ang mga ito sa kanyang pangaral.
Sa tuwing pagsasabihan ni Elvy ang kanyang tatlong dalagita’y mabilis naman silang nangangakong magbabago subalit isang tawag lang ng kanilang mga barkada’y nawawala sila agad sa bahay. Madaling araw na kung umuwi.
Nung Setyembre 2009, naisipan ni Elvy lumipat ng bahay para mailayo ang kanyang mga anak sa barkada. Panibagong buhay sana ito para sa kanilang pamilya subalit higit na lumala ang pangyayari.
Nagsimulang magkwento sa amin si Elvy ng mga bagay na mahirap paniwalaan subalit ayon sa kanya’y totoong nangyari. Sa loob umano ng dalawang buwan natira ang mga barkada ni Den sa kanila. Nagmistula umano siyang katulong.
Ayon kay Elvy gabi-gabi umiinom ang mga bata. Sa tuwing pagsasabihan naman niya ang mga ito’y mura ang sagot sa kanya.
“Pinapili ko ang mga anak ko kung ako o ang mga barkada nila. Isa-isa nilang sinabing barkada ang pipiliin nila kesa sa’kin,” wika ni Elvy.
Matapos marinig ang masasakit na salitang iyan, nagpasya si Elvy na hakutin ang kanyang mga anak at tumira sa kanyang inang si Constancia. Umasa siya na sa tulong ng kanyang ina kaya na nilang mabantayan at maibalik sa tamang landas ang tatlong dalagita.
Si Den, alas singko palang ng hapon ay wala na sa bahay. Madaling araw na ito kung umuwi. Si Aice nama’y mula nung bagong tao’y kasama umano ang kanyang kasintahang si “Kiko” at magpahanggang ngayon ay hindi pa umuuwi. Ang bunso namang si Monika sa edad uminom na ng alak at nanigarilyo.
Suko na si Elvy na di niya kaya ang ugali ng kanyang mga anak. Lumapit siya sa Department of Social Worker and Development (DSWD) San Pablo City. Maski na sa mga pulis para makahanap ng sulusyon sa kanyang nakababagabag na problema sa anak. Iisa lamang ang kanilang tugon hindi sila pwedeng makialam sa pagpapalaki at pagdesiplina ng mga anak ni Elvy.
Ang mga pulis naman hindi maaring hulihin ang mga ito at kasuhan dahil sa batas na pumoprotekta sa mga menor de edad ang JUVENILE JUSTICE AND WELFARE SYSTEM (R.A 9344).
Matapos malaman na ang reaksyon ng DSWD at Philippine National Police (PNP) San Pablo hindi pa rin pinanghinaan ng loob si Elvy. Lumapit siya sa aming tanggapan, nagbabakasakaling matulungan namin siya.
Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882khz (tuwing 3:00ng hapon) ang istorya ni Elvy.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, naiintindihan namin ang posisyon ng DSWD. Kung lahat ng magulang ipapasa ang responsibilidad ng pagpapalaki sa kanilang mga anak triplihin man ang bilang ng DSWD center sa buong bansa kukulangin pa ito para malutas ang ganitong suliranin.
“Responsible parenthood.” Yan ay nagsisimula sa sandaling malaman mong nagdadalang tao ka. Kailangang alagaan mo ang sanggol sa iyong sinapupunan. Hindi tumitigil ito matapos mong maire ang bata sa mundong maliwanag. Bagkus ito’y nagpapatuloy minu-minuto, araw-araw, linggu-linggo, taon-taon hangga’t dumating ang iyong mga anak sa hustong gulang o ‘legal age’. Para sa isang magulang kelan mo masasabi sa’yong sarili na husto na ang naibigay mong pagmamahal sa’yong anak. Ang sagot dyan hangga’t buhay ang isang ina o ama habambuhay dapat ang kanyang pagmamahal para sa kanyang mga anak. Hindi mo maaring ipasa o iasa kanino man ang responsibilidad na ito! Gaya ng madalas kong sabihin walang bata na isang araw nagising na lamang at sinabi sa kanyang sarili, “SALBAHI NA KO!”. Ang ugali ng isang tao ay hinuhubog ng kanyang mga magulang, ng kanyang mga kamag-anak, ng kanyang mga kaibigan at mundong ginagalawan araw-araw.
Masakit mang manggaling sa amin subalit malaki ang pagkukulang ni Elvy sa kanyang mga anak mula sa kanyang bibig nanggaling ang katibayan. Hindi man niya aminin na kinunsinte niya ang mga ito sa kanilang masamang ugali. Ngayon na ang kanyang mga anghelita ay lumalaki na parang mga demonyita natataranta siyang maghanap ng lagari upang putulin ang kanilang mga sungay sa ulo at bunto’t na hila-hila. Nawa’y sa pagbasa ninyo ng pitak na ito meron kayong napulot na aral.Ang iba kaya sa inyo nakikita ang sarili sa katauhan ni Elvy?
Bilang tulong inirefer namin siya sa tanggapan ni Usec. Alice Bala DSWD, Central Office sa Legarda sa pag-asang baka mailagay sa kanilang pangangalaga itong tatlong dalagita at sumailalim sa isang diversion/redirection program upang maitama ang kanilang masasagwang ugali. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Para sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landLine ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Bukas din ang aming tanggapan tuwing Sabado mula 8:30AM-12NN. Maari din kayong tumawag sa aming 24/7 hotline sa numerong 7104038.
Email address : [email protected]
- Latest
- Trending