Hindi na kailangan ang posisyon sa trabaho
NAG-UMPISANG magtrabaho si Rey sa planta ng SMFI noong Pebrero 16, 1984. Matapos ang ilang taon, tumaas ang ranggo niya at naging inventory controller. Sabay din niyang ginagawa ang trabaho ng warehouseman. Bilang empleyado, naging miyembro rin siya ng unyon ng kompanya at isang beses pa nga ay nagsilbi bilang opisyales ng unyon.
Noong Hunyo 26, 2000, nagulat si Rey nang makatanggap ng sulat mula sa presidente ng SMFI. Ipinaaalam sa kanya na ang posisyon daw niya bilang sales office coordinator ay hindi na kailangan ng kompanya. Tinatanggal na rin siya sa trabaho mula Hulyo 31, 2001 at papayagan na lang siyang makapagretiro nang maaga at makuha ang benepisyong nakalaan sa kanya. Nagsumite na rin ang SMFI ng ulat sa Department of Labor and Employment na naglalaman ng listahan ng mga empleyadong tatanggalin nila sa trabaho, kabilang dito si Rey.
Sa tulong ng unyon, nagsampa ng kaso si Rey ng illegal dismissal laban sa SMFI. Ang trabaho raw niya sa kompanya ay bilang inventory controller at warehouseman, hindi siya sales office coordinator. Ayon naman sa SMFI, si Rey daw ay itinalagang sales office coordinator mula pa noong Disyembre 1997 at siya mismo ang nakiusap nito sa kompanya. Ang usapan daw ay siya ang papalit sa magreretirong sales office coordinator dahil tumigil na ang trabaho sa planta. Hawak niya ang nasabing posisyon kahit pa walang ginagawang trabaho. Sa kabila ng lahat ng ito, nagdesisyon pa rin ang labor arbiter pabor kay Rey. Nagkaroon daw ng illegal dismissal at pinag babayad ang kompanya ng P1.5 milyon kay Rey bilang separation pay, backwages at attorney’s fees.
Noong umapela, pareho ang naging desisyon ng NLRC sa kaso dangan nga lamang at may kaunting pagbabago. Imbes na pagbayarin ng separation pay, pinababalik si Rey sa trabaho sa kompanya. Nang iakyat ang usapin sa Court of Appeals, inalis ng CA ang bahagi ng desisyon na nag-uutos ng pagbabalik ni Rey sa trabaho. Masyado na raw maraming nangyari sa dalawa at dahil sa naging relasyon nila ay mahirap na ibalik pa si Rey sa trabaho. Tama ba ang CA?
MALI. Sa ating batas, upang magamit ang doktrina na tinatawag na “strained relation”, dapat patunayan na ang pinanghahawakang posisyon ng empleyadong sangkot ay may kasamang tiwala at kompiyansa ng kanyang amo. Kailangan ding patunayan na kung ibabalik siya sa trabaho, magdudulot lang ito ng galit at sigalot. Kailangang patunayan na hindi na siya magiging epektibong empleyado kung patuloy pa rin siyang magtatrabaho sa kompanya.
Sa kasong ito, walang sapat na batayan upang sabihin na nagkaroon ng “strained relations” sa pagitan ng magkabilang panig. Hindi sapat ang matatapang na salitang ginamit ni Rey sa pagsagot sa kaso. Kahit sinong tao naman ay ganoon din ang mararamdaman lalo at basta na lamang tatanggalin sa trabaho. Kahit sabihin pa na may iringan sa pagitan ng mga sangkot sa kaso, kung walang matibay na ebidensiyang pagbabasehan, hindi naman ito sapat upang sabihin na tuluyan na talagang nasira ang relasyon nila.
Ang pagsasampa ni Rey ng kaso laban sa SMFI ay hindi sapat na basehan upang sabihin na tuluyan na talagang nasira ang relasyon nila. Hindi maaaring magmula ang pagkasira ng relasyon nila sa anumang ginawa ng empleyado upang protektahan ang kanyang legal na karapatan. Nararapat lamang na agad na ibalik si Rey sa trabaho at bayaran ng backwages lalo at naroroon pa rin naman sa kompanya ang posisyon niya bilang warehouseman. (Cabigting vs. San Miguel Foods Inc., G.R. 167706, November 3, 2009).
- Latest
- Trending