TAGA USIG… mga abugado ng estado na inaasahang nakikipagbakbakan sa korte upang ipatupad ang interes ng katotohanan at katarungan. Paano kung ang mga abugadong ito paglabas ng korte, ibang bakbakan naman pala ang hanap?
Hindi akalain ni Renato “Rene” Santos, 62 taong gulang na simpleng imbitasyon ang pagsisimulan ng isang gulo sa pagitan nila ng kanyang kumpare. Kilala si Rene bilang isang masayahin at palakaibigan sa kanilang lugar.
Taong 2008 naging tagapamahala siya ng Christmas party na ang layunin ay mapagbuklod ang mga lehitimong tiga Sulucan Poblacion. Dinadaluhan ito ng mga kagawad, mga kumakandidato at ng iba pang ‘government officials’ sa kanilang lugar.
Ika- 26 ng Disyembre 2009 ginanap ang ‘Christmas party’ na pinamahalaan naman ni Moses Rey.
Kabilang sa maraming bisita na dumalo ay si Floriño “Kiko” Saplala ang ‘Municipal Administrator’ ng Bulacan.
Bandang alas 3:00-4:00 ng hapon sa gitna ng kasiyahan, tumayo si Rene upang batiin ang kararating lang na si Kiko at ang anak nitong piskal ng Quezon City na si Edgardo Saplala,
“Habang inaabot ko ang aking kamay para batiin sila ng Merry Christmas, nagulat ako ng bigla akong dinagukan at binigwasan ni Kiko,” pahayag ni Rene.
Napasubsob si Rene sa simento. Ayon kay Rene, ang anak nitong si Prosec. Edgardo ay sumugod din at tinadyakan siya. Tinamaan siya sa likod kung saan sariwa pa ang kanyang sugat mula sa operasyon.
“Anong naging kasalanan ko at ginaganito n’yo ako? Dinuro ako ni Edgardo at sinabing namumuro ka na, bilang na ang oras mo! Mabuti na lang at inawat sila ng mga tao”, kwento ni Rene.
Nagtatakang umuwi si Rene. Iniisip niya kung ano ang kasalanang nagawa niya sa mag-ama para saktan siya ng ganon.
Nagpa ’blotter’ siya sa Brgy. Poblacion. Nireport niya rin sa Police Station ng Norzagaray ang pangyayari.
Napag alaman ni Rene sa kanilang kapitbahay na gabi pa lang bago ang Christmas party ay hinahanap na umano siya ni Kiko.
“Pinaghihinalaan nila na ako ang naglagay ng cross sign (+) sa dulo ng pangalan ni Kiko,” ayon kay Rene.
Natuklasan ni Rene na nung gumawa ng ‘invitation’ si Moses ay nakalimutang isulat ang pangalan ni Kiko. Napansin ito ni Revelinda, kapatid ni Moses at nagpagawa ng bago.
Agad naman nila itong pinamigay hanggang sa matanggap ng pamilyang Saplala.
Nagpunta ng gabi ding ‘yun si Moses sa bahay ni Kiko para ipaliwanag ang nangyaring ‘typographical error’ at humingi ng paumanhin sa pamilyang Saplala.
“Sinabi nila na ‘buhay pa parang pinatay n’yo na’… ganon nila pinalaki ang hindi sinasadyang pagkakamali. Nagulpi ako sa kasalanang hindi ko naman ginawa”, pahayag ni Rene.
Matagal na magkaibigan si Rene at Kiko kaya hindi niya matanggap kung bakit humantong sa pananakit ang simpleng pagkakamali.
Lumapit siya sa aming tanggapan dahil alam niyang isang Prosec. sa Quezon City ang nasa likod umano ng pananakit sa kanya.
Itinampok namin ang kanyang problema sa aming radio program na “Hustisya Para sa Lahat” sa DWIZ 882 khz (3:00-4:00 ng hapon).
Upang makuha ang kanyang panig, tinawagan namin si Prosec. Saplala. Pinag-usap namin sila sa ere. Diretso siyang sinabihan ni Rene ng tungkol sa pananakit na ginawa niya.
Halatang nabigla itong si Prosec. Saplala at ang tanging nasabi niya ay “walang nangyaring ganyan, pwede naman naming pag uspaan yan”.
Ayon!… pwede naman pa lang pag-usapan Prosec. Alam mong mabuti na sa pagitan ng ‘denial’ at positibong deklarasyon ng isang tao at ng kanyang mga testigo tungkol sa mga pangyayari, mas mananaig ang huli sa preliminary investigation.
Desidido itong si Rene na magsampa ng reklamo laban kay Prosec. Saplala at sa kanyang ama.
Nakipag ugnayan kami kay City Chief Edward Togonon ang presidente ng National Prosecutors League of the Philippine. Sinabi nitong bibigyan niya ng pansin ang reklamo ni Rene. Nilinaw ni Chief Togonon na hindi dahil prosecutor ang inirereklamo ay basta na lamang nilang kakampihan ito.
Kinausap din namin si Atty. Alice Vidal ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) upang maghain ng reklamo sa ‘bad behavior and complaints division’ laban kay Prosec. Saplala.
Gusto din namin malaman kung anong ‘sanctions’ ang maaring ipataw laban sa kanya bilang isang abugado.
Nangako din si Atty. Alice na siya ang gagawa ng ‘complaint affidavit’ ni Rene.
Upang maging lubusan ang aming tulong pinalapit namin si Rene sa Department of Justice Action Center (DOJAC) para mai-forward ang reklamo sa tanggapan ni Secretary Agnes Devanadera.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nagkaroon kami ng pagkakataong makilala si Prosec. Saplala noong abugado pa siya ng Public Attorneys Office. Hindi kami nagdalawang isip na irekomenda siya kay Secretary Raul Gonzalez na noon ay DOJ Secretary.
Kung totoo ang lahat ng mga sinasabi ni Rene (na hindi mo naman kinokontra bagkus ang sinabi mo ay maari namang pag usapan ‘yan). Aba! hindi yan maganda para sa isang bagitong prosecutor. Sana hindi umakyat sa ulo mo ang hangin ng kapangyarihan bilang taga-usig na ang pakiramdam mo ay parang ikaw ay “above the law”.
Nakausap ko si City Prosecutor Claro Arellano at diretso niyang sinabi na kapag natanggap niya ang reklamo ni Rene ipapatawag niya si Prosec. Saplala at kung may basehan ay sususpendihin niya ito.
(KINALAP NI AICEL BONCAY)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 maari din kayong tumawag 6387285. Maari din kayo magpunta sa aming tang gapan 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Bukas ang aming tanggapan tuwing SABADO 8:30am- 12:00pm. Ang aming 24/7 hotline ay 7104038.