Halimaw na nilikha ng administrasyon
ISANG dahilan kung bakit itinayo ang Philippine National Police (PNP) ay upang mawala ang private armies ng mga politiko. Noong araw, ang pulisya ay kontrolado ng mga local government units. Nagagamit ang mga pulis bilang personal bodyguards at kung minsa’y private army pa ng ilang lokal na opisyal. Kaya kung sino ang nakaupong opisyal, siya lagi ang may advantage tuwing eleksyon. Mayroon siyang goons na puwedeng manakot ng mga botante.
Pero kahit mayroon nang PNP at wala na sa kontrol ng mga local governments ang pulisya, namamayagpag pa rin ang mga private armies. Kung hindi pa nangyari ang malagim na Maguindanao massacre ay hindi pa mapapansin ang problema! Maguindanao and the Am-patuans are just the tip of the iceberg.
Kasi, naririyan pa rin ang mga Civilian Volunteers Or-ganization (CVO) na binuo mismo ng adminstrasyong ito noong 2006 sa bisa ng isang executive order. Sabagay, tila binago lang ang pangalan nito mula sa dating Citizens Armed Forces Geographical Units (CAFGU). Sila ang mga armadong sibilyan na awtorisado ng pamahalaan para labanan ang banta ng rebelyon sa mga baryo. Kaso, gina mit ang mga grupong ito ng mga tiwaling local officials para maghari-harian sa mga lugar na nasasakupan nila.
Ngayong nalantad ang lawak ng problema, bubuo ang pamahalaan ng isang komisyon na ang layunin ay lansagin ang mga pribadong hukbo. Naku naman! Ang gobyerno natin ay lumilikha ng sariling problema tapos hindi malaman kung paano lulutasin. Ayaw kong isipin na ang mga private armies na ito ay kinukunsinti ng administrasyon para pagdating ng eleksyon ay may aayuda sa kanilang pandaraya.
Ang tanong: Seryoso kaya ang administrasyon sa paglansag ng mga hukbong ito o baka ito’y bunga lang ng mainit na isyu sa Maguindanao massacre?
Kaya sa mga kapwa ko botante, ngayon pa lang ay timbangin na natin kung sino ang karapatdapat mahalal bilang pinuno ng bansa sa 2010. Kailangan natin ang taong may sinserong katapatan sa paglilingkod sa bayan at hindi sa sarili. Isang leader na may pitagan sa Diyos ang ating kailangan.
- Latest
- Trending