'Ahas na kawayan'
NAKABILI ako ng laruang ahas na gawa sa kawayan. Binili ko ito para sa aking apo, at P50 lang ang bili ko. Nagkataon naman, nakita ko sa coffee shop ng aking anak si Mr. Tito Osias, publisher ng Balik-Probinsiya Magazine. Si Tito, kasama si Mr. Romy Sta. Ana ay aktibo sa pag-promote ng kawayan bilang proyekto at produkto na magbibigay ng kabuhayan para sa ating mga kababayan.
Nakakatuwa ang laruang ahas, ngunit ang nakalulungkot ay imported ito — made in China. Kahit P50 lang ang bili ko, hindi ko ma-imagine kung ilang tatay o lolo ang bumili nito dito sa atin, kaya napakarami na naming dollar ang nawala sa atin at napunta sa abroad.
Samantala, maraming OFW ang nagpupunta sa China, Hong Kong at Macau upang maghanapbuhay. Kumi-kita nga sila at nagpapadala ng dollar sa Pilipinas, ngunit sa madaling sabi, bumabalik naman ang mga dollar nila sa China, sa pamamagitan ng Chinese imports na tulad ng laruang ahas na binili ko.
Habang abala tayo sa issue ng corruption at human rights violations katulad ng Ampatuan massacre, nakakalimutan na natin na tungkulin din ng ating gobyerno ang pag-promote ng Pilipino products sa abroad, at kasama na riyan ang Chinese market. Bago pa yan, tungkulin din ng gobyerno ang tumulong sa mga tao upang makagawa sila ng mga produkto na magbibigay sa kanila ng kabuhayan. Mabuti na lang, may mga Pilipino na katulad ni Tito at Romy na kusang gumagawa ng tungkulin na ito.
May nagbiro sa akin kung bakit pa ako bumili ng ahas, samantalang napakarami namang ahas dito sa atin, at tinukoy pa ang mga ahas diumano sa gobyerno. Ang sagot ko naman, natutuwa ako sa laruang ahas at ganoon din ang aking apo, ngunit hindi ako natutuwa sa mga ahas na nangungurakot sa pera ng taumbayan. Mabuti na lang, hindi pa yan alam ng apo ko.
Balik sa seryosong usapan, ang isang maunlad na bansa ay dapat umasa sa exports ng produkto upang lumaki ang yaman nito, at hindi dapat umasa sa labor ng mga tao. Bilang halimba wa, ang Singapore ay yumayaman sa exports kahit maliit na bayan lang ito. Samantala, hindi naman pinagbabawal ng Singapore ang pag-alis ng mga mamamayan nila bilang overseas workers, ngunit minumungkahi ng gobyerno nila na mga professionals lamang ang umalis, upang hindi maapi sa abroad ang mga mamamayan nila. Kailan tayo makararating sa ganitong kalagayan?
- Latest
- Trending