Babala: Sakit sa puso dumadami pag Pasko
MATAKOT tayo sa balita ni cardiologist Anthony Leachon, Pfizer medical director at board member ng Philippine College of Physicians. Sa pag-aaral aniya sa iba’t-ibang bansa, napansin ang kakila-kilabot na Holiday Heart. Nagsasaya sa Kapaskuhan ang mga taong walang lantad na sakit. Daranas sila ng konting holiday stress at mapapainom sa parties. Sisipa ang alkohol ng abnormal na tibok ng puso, kadalasan Atrial Fibrillation. Tapos — wham! — heart attack o stroke, sa gitna ng selebrasyon, kung kelan walang doktor.
Anila Leachon at kasamahang Myrna Hausam, pinoproblema natin ang pagdagdag ng timbang sa Kapaskuhan. Alalahanin din daw ang puso, lalo na’t dumadami nang 65% ang heart attack at stroke sa panahong ito — hanggang Bagong Taon, Valentine’s at Chinese New Year. Napupuno ang emergency rooms ng pasyenteng nakakaranas ng palpitations (bilis ng tibok) at light-headedness (parang lumulutang). Atrial Fibrillation (AF) na!
Nilalason ng alak ang puso kapag puro inuman. Nangyayari ito sa nagpa-party hopping, tapos kumakain at umiinom sa bawat puntahan. Oo, kasama na ang beer at wine. Buti na lang, kadalasa’y napapawi ang AF sa 24-oras na pahinga. Kapag hindi, ipapa-admit ka ng doktor sa ospital, pabababain ang heart rate sa gamot, at pababantayan hanggang bumalik sa normal ang tibok. Sa ilang kaso, ine-electric shock ang puso para ibalik sa gulat ang functions. Tiyak, hindi mo gugustuhin ang gan’ung bakasyon.
Papano iiwasan ang Holiday Heart Syndrome? Parang simple, pero mahirap gawin kapag Kapaskuhan. Una, magtimpi, huwag magpakabondat, iwasan ang litson, morcon at iba pang ma-cholesterol, at lalo ang alak. Ikalawa, huwag magpuyat, o bawiin agad ito nang sapat na tulog. Ikatlo, huwag magpa-stress; umiwas sa traffic, masisikip na shopping malls, at maiingay na parties; kung puwede lang, iwasan din ang nakaka-nerbiyos na gastusin. Ikaapat, patuloy na mag-workout; ani Doc Leachon, mga 30 minutos na pagpapawis kada araw. At ikalima, magpatingin agad sa doktor oras na may nararamdamang kakaiba, dahil baka atake na.
- Latest
- Trending