EDITORYAL - Samsamin, ari-arian ng mga Ampatuan
WALA umanong bank account ang mga Ampatuan kaya malaki ang hinala ng mga senador na ang perang ipinambili ng 28 mansions, mamahaling sasakyan, sandamukal na matataas na kalibreng baril ay pera ng taumbayan. Walang ibang pagkukunan ng pera ang mga Ampatuan kaya nakapagtataka kung saan sila kumuha nang maraming pera. Sa kanilang mansion ay mayroon silang kaha-de-yero. Isang indikasyon na tumatabo sila ng pera at sa kaha nila nilalagay. Ganunman nang salakayin ng mga awtoridad ang mga mansiyon at buksan ang kaha-de-yero, wala nang laman ang mga iyon. Simot na.
Taun-taon ay may nakalaang bilyong pisong budget para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Noong Martes ay inaprubahan na ng Senado ang P9.43 billion budget ng ARMM para sa 2010. Malaking halaga na naman ito. Dapat magastos ang halagang ito para sa kapakanan ng mamamayan ng ARMM at hindi para sa mga sakim sa kapangyarihan. Mula 2001 ay namayagpag na ang mga Ampatuan. Naging kaalyado ng administrasyon. Noong 2004 elections ay napaulat ang malawak na dayaan sa Maguindanao. Ang kalaban ni President Arroyo na si action King Fernando Poe Jr. ay zero. Naulit ang malawak na dayaan noong 2007.
Siyam na taon ding naghari sa Maguindanao ang mga Ampatuan. Masyadong makapangyarihan ang angkan kaya lahat ng posisyon, mula sa ibaba hanggang sa itaas ay kanilang naangkin. Sa kabila naman na namuhay sa karangyaan ang mga Ampatuan, nananatiling walang pag-unlad ang Maguindanao. Maraming naghihikahos. Ang iba ay walang makain. Sira-sira ang mga kalsada at walang kuryente. Ang mga bata ay hindi makapag-aral. Ikaapat ang Maguindanao sa pinakamahirap na probinsiya sa bansa.
May bilyong budget na naman para sa ARMM. Hindi na sana masayang ang budget na ito at makinabang sana ang mga mahihirap na mamamayan. Nararapat bantayan kung saan tutungo ang pera. Hindi na sana sa bulsa ng mga matatakaw mapunta. Magkaroon na sana ng tapang ang mamamayan ng Maguindanao para hindi na sila matapakan. Kailangan palang magbuwis pa ng buhay ang 57 katao para malantad ang kabulukan ng mga namumuno sa Maguindanao.
Samsamin din naman ang mga ari-arian ng Ampatuan kapag napatunayang ang ibinili sa mga ito ay galing sa pera ng taumbayan. Tapusin na ang pamamayagpag.
- Latest
- Trending