Ang 'multong' kinatatakutan ni Mayor Ampatuan Jr.
MUKHANG hindi na makakatulog nang mahimbing si Datu Unsay mayor Andal Ampatuan Jr. sa kanyang selda sa NBI. Hindi dahil dinadalaw siya ng multo ng 57 kataong minasaker sa Maguindanao na kinabibilangan ng may 30 mamahayag kundi dahil pormal na siyang sinampahan ng DOJ ng 25 counts of murder. Siya rin kasi ang tinuturong mastermind sa masaker. Siguro ito na ang simula ng pagbagsak ng mga Ampatuan sa Maguindanao.
Ayon sa mga kausap ko sa DOJ, bukod kay Ampatuan Jr., kinasuhan din ang kanyang pamangkin na si Ulo Ampatuan, kapatid na Mamasapano town mayor Bahnarin Ampatuan, Salibo town vice mayor Kanor Ampatuan, Muhamad Sanki, Tammy Masukat at Datu Unsay police chief, PO1 Abbey Guiaden.
Puntirya na rin umano ng DOJ sina Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. at ARMM Gov. Zaldy Ampatuan. Natutumbok na ang buong angkan ng mga Ampatuan dahil unti-unti nang lumulutang ang mga testigo.
Sa unang sigabo ng imbestigasyon, takot pa ang mga testigo subalit nitong mga nakaraang araw, nagsilabasan na ang mga ito nang masigurong ligtas na sila sa banta ng mga Ampatuan. Paano kasi, bata-batalyong sundalo na ang itinalaga ng Armed Forces of the Philippines (AFP), maraming pulis at mga di-kalibreng NBI agents sa bakuran ng mga Ampatuan. Kaya lupaypay sa ngayon ang private armies ng mga Ampatuan. Kahit nangupiti ang buntot ng mga hukom ng Cotabato City pinupursige pa rin ni DOJ sec. Agnes Devanadera ang kaso laban sa mga Ampatuan. Nagtalaga siya ng isang hukom na galing pa sa ibang lugar para lamang maisampa ang asunto. Sa ngayon hinihiling ni Devanadera sa Supreme Court na ilipat sa Manila ang paglilitis upang mabigyan ng proteksyon ang mga testigo. Ito na marahil ang tunay na multong kinatatakutan ni Ampatuan Jr. sa kanyang selda.
- Latest
- Trending