Karahasan sa Mindanao
AKO ay tubong Mindanao. Sanggol pa lamang ako nang dinala ng aking mga magulang sa Davao . Ang aking ama ay World War II veteran at napagpasyahan ng kanyang mga kasamang beterano na pumunta sa Davao upang maging homestead farmers, bilang tugon sa sinasabing “Mindanao Land of Promise”.
Mapayapa ang Mindanao sa aking alaala. Mula sa Davao kung saan mapayapa ang relasyon ng aking pamilya sa mga Lumad, hanggang sa Butuan kung saan naging kaibigan namin ang mga Moslem traders, wala akong naranasan na karahasan sa aking kabataan.
Bilang isang taga-Mindanao, nasasaktan ako tuwing may nangyayaring hindi maganda sa pangalan ng buong isla. Tuwing may masamang nangyayari, muling napupukaw ang aking pagnanasa na sana, maging matahimik na ang Mindanao, at matupad na rin ang pangako na ito ay maging “Land of Promise”.
Ano kaya ang magagawa natin upang makarating ang kapayapaan sa Mindanao? Ang isa kong laging sagot ay economic. Marami ang nagsasabi na kultura ang maaring sisihin sa karahasan sa Mindanao. Maaring dahilan ang kultura, ngunit naniniwala ako na kung may kasaganaan sa Mindanao, susunod na rin ang katahimikan. Kahit marahas ang mga pangyayari sa Mindanao, hindi lang naman doon nangyayari ang karahasan. May karahasan sa buong Pilipinas, kaya nangangailangan din ng kasaganaan upang dumating ang kapayapaan.
Sa darating na election, sana ay iboto natin ang mga kandidato na may malinaw na plataporma sa ekonomiya. Hindi nalulutas ng magandang ekonomiya ang lahat ng problema ng bansa, ngunit kung maganda ang ekonomiya, mababawasan na rin ang mga problema, kasama na ang kahirapan at gutom.
Tungkol naman sa massacre na nangyari sa Maguindanao, sana ay maging patas ang batas. Maaring may bahid ng pulitika ang nangyari, ngunit sana huwag haluan ng pulitika ang pagbibigay ng hustisya sa mga pamilya ng mga biktima.
- Latest
- Trending