'Galit ng mga biktima ang hindi matatakasan!'
PANGKARANIWAN na sa BITAG ang makakita ng mga eksenang bugbugan, sampalan, sabunutan at suntukan ng mga galit na galit na biktima sa mga suspek na nan-loko sa kanila.
Partikular ang ganitong eksena kapag nahuhulog na sa bitag ng mga alagad ng batas ang isang uri ng mga kawatan sa lipunan, ang mga illegal recruiter.
Halos lahat bistado na ang kanilang modus sa huhuthutan lamang ng katakut-takot na pera ang aplikanteng nais mangibang bansa upang makapagtrabaho, papangakuan pagkatapos ay drawing lamang pala ang lahat.
Walang katotohanan ang mga pangakong magan-dang trabaho at malaking suweldo na naghihintay sa iyo sa ibang bansa.
Ang nakapagtataka rito, popular na ang ganitong modus subalit marami pa rin ang nabibiktima. Ang masaklap, palaki ng palaki ang perang nailalabas ng bawat mabibiktima.
Pasopistikado naman ng pasopistikado ang estilo ng mga illegal recruiter. Andiyan ‘yung gagamit sila ng legal na tanggapan at kuno’y job order na ipapakita na may mga sertipiko upang magmukhang lehitimo.
Bukod dito, ipinapasok na rin ng mga illegal recruiter ang kanilang mga aplikante sa training program na lehitimo rin ang proseso’t training center.
Subalit kapag pumasok na sa eksena ang record ng Philippine Overseas and Employment Administration, dito malalaman na bogus ang mga taong katransaksiyon mo maging ang job order na kanilang pambato.
Kaya’t sa huli, media at mga alagad ng batas na ang tinatakbuhan ng mga biktima kung saan sila makakakuha ng hustisya.
Subalit ang masaklap rito, alam ng mga biktimang malabong mabalik ang mga perang naibigay na nila sa mga manlolokong illegal recruiter kaya bukod sa hustisya, resbak na ang kanilang hanap sa mga ito.
Makita lamang nilang nakakulong sa malamig na bakal ang mga kawatan at masugatan nila ang mga ito, ang ibang biktima kuntento na.
Eto ‘yung mga pangyayaring madalas hindi kayang pigilan ninuman, biglaan at bumubulusok ang emosyon ng bawat biktima. Marahil ito ang paraan nila upang mailabas ang galit na bunga ng pag-asa sa wala at panloloko sa kanila.
Kaya paalala ng BITAG, sa iba pang illegal recruiter na may balak at kasalukuyang nambibiktima, hindi lang parusa sa batas ang magiging kapalit ng inyong panloloko.
Bukod sa pangil ng batas ang nakaabang na parusa sa inyo at maaaring makaligtas kayo dito, hagupit ng galit ng inyong mga biktima ang hindi niyo matatakasan.
- Latest
- Trending