Bida na si Pacman kahit sa ibang lahi
TULAD ng mga nakaraang laban ni Manny Pacquiao sa Las Vegas, nagtitipun-tipon na naman ang mga Pinoy sa mga bahay-bahay dito sa US upang panoorin sa pay-per-view ang laban kay Cotto. Naghanda sila ng pagkain at pinagsaluhan habang naglalaban. Nagkaroon ng inuman.
Hindi lamang mga Pinoy at mga Mexicano ang nagsasama-sama sa isang bahay para panoorin ang laban ni Pacquiao. Pati mga Puti at mga iba’t ibang lahi ay ganito rin ang ginagawa.
Ako at ang isang kasamahang Pinoy ay naimbitahan sa isang bahay na pag-aari ng isang Puti na ang mga bisita ay mga puti rin. Iba nga lamang ang pagkain at inumin. Sandwiches at chips lamang ang pagkain. Mayroon namang softdrinks at beer. Pero, masaya pa rin at maingay ang kantiyawan. Halos lahat sa kanila, pabor kay Pacquiao
Sa ibang panig ng mundo ay sinubaybayan din ang labang Pacquiao-Cotto. Sa mga malls, bar, restaurants at mga lugar sa London, Singapore at Middle East ay dinumog ng iba’t ibang lahi. Bidang-bida na talaga si Pacquiao sa ibang lahi.
Siyempre, Ganoon pa rin sa Pilipinas na katulad nang mga nakaraang laban ng pambansang kamao. Ang naiiba nga lamang ngayon ay mas marami na ang mga lugar na pinanonooran ng mga kababayan natin na katulad ng mga coliseum at barangay centers na walang bayad. Mga prisons, police stations at presinto at mga military headquarters kasama na ang mga nasa Mindanao ay nakapanood din ng laban ni Pacquiao. Naging muling tahimik ang kapaligiran ng Pilipinas. Walang patayan, barilan at gulo nung laban ni Pacquiao. Pati ang mga masasamang tao ay nanood din ng laban.
Bayani na rin siyang itinuturing ng mga taga-ibang lahi at hindi lamang dito sa US kundi pati na sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Talagang hinintay at pinaghandaan ang labang ito ni Pacquiao kaya punumpuno ang mga bar at restaurants gaya sa London. Ganito rin ka-excited ang mga taga-Middle East.
- Latest
- Trending