HINDI na nakapagtataka kung mayroong mga sasakyan na nahuhulog sa bangin o kaya bumabangga sa railings. Ito ay dahil walang nakalagay na barriers o harang o mga babala. Huli na para mapansin at makaiwas sa aksidente. Ang paglalagay ng barriers o mga signages sa lansangan ay nararapat sapagkat may pondong nakalaan. Kinukuha sa road user’s tax na nanggagaling naman sa mga nagpaparehistro ng sasakyan. Nagsimula ang pagkaltas sa road user’s tax noong 2000.
Sa Metro Manila, makakakita ng mga aspaltong nabakbak at nagkalubak-lubak, walang road signs, walang reflectorized device, pundido ang mga ilaw sa intersections, kupas na ang puting guhit sa kalsada at marami pang iba. Subalit, meron din palang ganito sa probinsiya. Sa Davao City may mga kalsada na sinimulang bakbakin pero basta na lang inabando-na. At ang dahilan, wala raw pondo. Mayroon ding kalsada sa Mindanao na sinimulang aspaltuhin subalit itinigil dahil wala na raw pondo. Kaya ang nagsasakripisyo ay mga motorista at mamamayan.
Nasa kontrobersiya ngayon ang mga miyembro ng Road Board na namamahala sa pondong nanggaling sa road user’s tax na kinakaltas sa mga nagpa-parehistro ng sasakyan. Paano’y hindi maipaliwanag kung saan napunta ang P60.5 billion na pondo na dapat ay gagamitin sa improvement ng mga kalsada at ganundin para sa pagsasaayos ng drainage systems. Saklaw din ng road user’s tax ang paglalagay ng barriers sa mga gilid ng bundok o bangin para mapigilan ang pagkahulog ng mga sasakyan. Ngayong taon na ito, maraming pampasaherong bus ang nagdayb sa bangin at kumitil sa buhay ng mga pasahero. Kung meron sanang barriers sa mga gilid ng kalsada o bangin, walang nasayang na buhay.
Sinira ng Road Board ang batas. Ang pondong nakalaan para sa pagsasaayos ng kalsada at iba pa ay hindi maipaliwanag kung saan napunta. Ibinulgar ni Sen. Miriam Defensor Santiago na ang mga miyembro ng Road Board ay si dating DPWH secretary Hermogenes Ebdane at si Rodolfo Puno, bilang executive director. Nag-iimbestiga na ang Senado.
Nararapat na igisa ang mga taong nasa likod ng kuwestiyunableng pondo. Sinimulan ni Santiago ang paghalukay at dapat na hindi na tigilan ang pagkalukay dito. Kapag walang nakitang katotohanan sa isyung ito, marami ang mawawalan ng tiwala sa gobyerno. Maraming madidismaya at ang pagka-dismaya ay masama ang ibinubunga.