Ilihim man, matutuklasan din ng BITAG!
PITONG TAON at patungong ikawalo na ang BITAG sa larangan ng serbisyo publiko. Kaya naman, hindi na makapagtatago ang sinumang lumalapit sa aming tanggapan, ano man ang intensiyon nito.
Mula sa kaniyang pagsasalita, kilos ng katawan, galaw ng mata, pintig ng puso at lalim ng hininga, natutunan na naming basahin kung ang isang nagrereklamo o nagsusumbong nga ba ay nagsasabi ng totoo o may dalang tahi-tahing kuwento. May mga nagrereklamo kasing hindi kumpleto magbigay ng impormasyon at kung minsan baligtad pa ang sumbong.
Ito ‘yung mga ibang lumalapit sa aming tanggapan na itinatago ang tunay na sitwasyon ng kanilang proble-ma laban sa kanilang inirereklamo.
Pinipilit nilang itago sa akalang kapag sinabi nila ang katotohanan ay hindi na sila tutulungan ng BITAG.
Ayaw na ayaw namin ‘yung tinatawag na “areglo”, paulit-ulit na lamang naming sinasabi na hindi kami nakikialam at nanghihimasok o namamagitan sa ganitong usapan.
Para sa isang nagrereklamo o biktima kasi, ginagawa lamang kaming panakot kung ang kanilang pakay lamang ay areglo. Mabuti na lamang at nag-iimbestiga ang aming grupo bago namin tuluyang hawakan ang isang problema o kaso.
Kasama sa aming imbestigasyon ang kilalanin at tanungin ang respondent o ‘yung inirereklamo, dito unti-unti ng lumalabas ang katotohanan.
At sa paghaharap ng dalawang panig, ang nagrereklamo at inirereklamo kasama ang BITAG, nalalantad na buong dahilan at epekto ng problema.
Sa huli, hindi lamang ang inirereklamo ang may tama, pati ang nagrereklamong nagtago ng kanilang tunay na intensiyon sa BITAG at sa kaniyang reklamo, hinahagupit din namin.
Sa mga gustong gamitin ang aming programa para sa kanilang pansariling intensiyon lalo na ‘yung may kinalaman sa areglo at pera, binabalaan namin kayo.
Itago niyo man sa umpisa, maaamoy din ng BITAG ang katotohanan. Trabaho namin ang mag-imbestiga kaya’t kahit ang nagrereklamo, dumadaan sa aming pagsusuri o pag-profile.
Tumutulong kami sa kahit sino, wala kaming pinipili basta’t nangangailangan ng katarungan upang lumabas ang katotohanan, kakampi upang itama ang baluktot na gawain at sumbungan upang tuldukan ang pang-aabuso sa lipunan.
Wala itong bayad alinsunod sa larangan ng serbisyo publiko subalit kung gagamitin lamang ang aming programa para sa pansariling kapritso, umatras na kayo.
- Latest
- Trending